HATAWAN
ni Ed de Leon
BAGAMAT ang may pangunahing tungkulin ng classification ng pelikula ay ang Movie and Television Review and Classification Bord (MTRCB), hindi ba magkakampanya ang ibang ahensiya gaya ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at ang presidential adviser on creative communications na si Paul Soriano para mapigilan ang mga mahahalay na pelikula na ilang taon nang puro ganoon ang ginagawa?
Parang nakahihiya na rin bilang Filipino na iyan pang mga pelikulang may kahalayan, iyan ang ipinadadala nating madalas sa mga maliliit na festivals sa abroad. Marketing strategy kasi iyang mga festival na iyan. Gagawa sila ng sex themed movies, na siyempre hindi naman sikat ang mga artista kaya mababa lang ang budget. At saka kung sikat ba talaga ang artista mapapagbuyangyang nila ng ari na ganyan.
Isasali iyan sa festivals sa abroad, at doon hahanap ng distributor ng pelikula nila. Hindi kumikita rito iyang mga ganyan eh. Kung makabola nga naman jackpot, pero sino na ba sa kanila, pati na iyong sinasabing nanalo ng awards sa mga hotoy-hotoy na mga film festival abroad ang nakapagbenta na ng pelikula roon?
Anong pelikula ba nilang dinala sa festivals abroad ang naipalabas sa commercial theater circuits doon, o kahit na sa cable
man lang? Wala eh, inilalabas lang sila sa maliliit na preview room at ang nanonood sa kanila iyong mga kasali rin doon sa festival. Hindi naman halos pansin iyan ng publiko eh.
Iyan bang mga klase ng pelikulang ganyan ang ie-encourage ng FDCP halimbawa na patuloy gawin ng producers na Filipino? Roon sa nakaraang administrasyon, ang sinuportahan mga indie, nakabangon ba ang industriya sa indie? Dapat ang gawin gaya ng mga pelikula noong araw na pinondohan ng Experimental Cinema of the Philippines. Iyong Himala, Oro Plata Mata at iba pa. Mas may kinabukasan ang industriya sa mga pelikulang ganoon, hindi iyang mga mumurahing pelikulang
kabastusan.