HATAWAN
ni Ed de Leon
NAYARI si Mang Kanor. Isipin ninyo, iyong isang pelikulang pang-internet streaming inilabas sa isang commercial theater, mali na iyon eh. Walang mailalabas sa ano mang sinehan sa buong Pilipinas nang hindi dumaan sa MTRCB. Kung iyong kanilang premiere ay ginawa sa silong ng isang bahay, at doon sila nanood, walang problema. Pero inilabas nila sa isang sinehan na ipinagbabawal ng batas.
Tiyak na ang ikakatuwiran, hindi naman iyon public screening dahil “invitational lamang. Pero ewan kung lulusot ang ganoong katuwiran dahil iyon lang “premiere screening” walang ipinagkaiba iyon sa public screening, kahit sabihin pang hindi naman sila naningil, walang bayad iyon, may mga nanood niyon na wala namang kinalaman sa paggawa ng pelikula. Katunayan nagkaroon pa ng tv coverage.
Inilabas iyon sa social media, na hindi maikakailang bahagi ng kanilang promotion and advertising, kung may public promo at advertising, aba dapat pati iyan dumaan sa MTRCB at sa AdBoard.
Ngayon iyong ipagmamalaki pang lusot sila dahil hindi saklaw ng MTRCB ang internet streaming, aba eh bakit nga ba sila lumabas nang hindi naman sa internet. Kahit na sa larong step no, empol na ang tawag diyan.
Hindi mo maiiwasan na may mga taong nag-iisip kung paano maici-circumvent ang batas, pero hindi laging may lusot iyan. May pananagutan pa rin iyan.
At iyang nangyaring iyan ay isang magandang sample, para mapatunayan ang lakas ng mandato ng batas sa MTRCB. Ano ang say ni Chairman Lala Sotto?