HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY tsismis kaming nasagap. Tsismis lang naman ito, hindi kami sigurado dahil puwedeng mabaliktad pa ang lahat ng pangyayari hanggang hindi sila gumagawa ng opisyal na statement.
Pero malungkot ang kuwento ng isang kakilala namin nang sabihin niyang siniguro daw sa kanya ng isang source na talo na si
Vice Ganda, talo na ang It’s Showtime, at talo rin ang TV Patrol sa isang television award giving body. Pero kung kami ang tatanungin, matatalo nga iyan dahil nasa isang estasyon naman sila na walang prangkisa para sa on the air broadcast. Ang sinabi naman ay awards sa TV, hindi sa cable at hindi sa internet.
Pero siguro kaya sila nalulungkot dahil parang sunod-sunod na dagok na nga iyan. Walang nakuhang isa mang award sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pelikula ni Vice. Isa pa inilampaso pa iyon sa takilya ng pelikula ni Nadine Lustre. Sa festival, ikalawang laglag na iyan ni Vice. Nauna riyan inilampaso rin siya ni Aga Muhlach sa takilya. Tapos na ba talaga ang panahon ni Vice? Sana hindi pa naman.
Kahit paano kumikita pa naman ang pelikula ni Vice.
Nakikinabang pa rin ang ilang maliliit na manggagawa na nagtatrabaho sa kanyang mga pelikula. Kumikita pa rin doon ang ilang mga artista na hindi naman pupuhunanan ng producers nila kung sila lang at wala si Vice. Kahit na sabihin mong minamalas siya, may nakikinabang pa rin sa kanya.
Kailangan lang siguro ni Vice ng panibagong packaging at mga bagong idea. At kailangan marunong talaga lalo na sa pelikula ang magtuturo sa kanya, kung hindi nakatatakot mang isipin, tuloy-tuloy na iyan.