HATAWAN
ni Ed de Leon
AMINADO si Ate Vi (Vilma Santos) nalilibang siya sa kanyang kauna-unahang apo. Basta nagkikita sila ay hindi na siya nagiging aware sa oras.
Pero isang bagay ang tiniyak ni Ate Vi, mauuna pa rin ang propesyonalismo. Kung may trabahong kailangang harapin, uunahin na muna niya ang trabaho, bago ang pakikipaglaro sa kanyang apo.
“Alam ko naman noon pa na darating na ang una kong apo, pero hindi ko naman maiiwasang hindi tumanggap ng trabaho, dahil lahat iyan matagal nang naghihintay at dapat talaga nasimulan ko na, eh kaso
nahawahan naman ako ng Covid, hindi rin ako makatrabaho. At natagalan ako sa full recovery, dahil kahit na nag-negative na ako, iyon ang sinasabi nga nilang long Covid na nagkaroon pa ng ibang epekto.
“Kaya naman talagang marami tayong trabaho ngayon pero hindi naman kasi nangyari sa akin kahit na noong araw na wala akong pahinga, kahit na noong sunod-sunod ang mga pelikula ko tapos may TV show pa, sinisiguro kong mayroon naman kaming family time. Hindi lang kasi ang sarili ko ang iniisip ko. Halimbawa si Ate na lagi kong kasama, kailangan din niya ng oras para sa pamilya niya. Iyong driver kailangang mag-day off. Iyong iba pa ring kasama mo. Ngayon ganoon din naman, sinasabi ko huwag sunod-sunod dahil kailangan din naman ang family time.
“May isa akong endorsement na unang gagawin, dahil matagal nang naka schedule iyan eh. Tapos nga nagkasakit ako. Noon namang ok na ako nahirapan naman sila sa production side, kaya tuloy na iyon ngayon at kailangang unahin ko na.
“Tapos iyong anniversary TV specials, kailangan makapag-taping na kami dahil may hinahabol silang telecast date niyon. Ang gusto nila, before February 21, na siyang date nang ipalabas iyong first movie ko, mailabas na nila iyan. Mga dalawang araw siguro iyan, kasi one day on location tapos iyong isa iyong actual interview.
“Nagulat nga ako sa naging preparation nila ng materials, lalo na iyong mga film clip. Hindi ko inaasahan na mahahanap pa iyong
mga iyon. Pero nagawa, nagtulong-tulong naman kasi, maski na iyong fans na nakapagtago ng clippings. Isipin mo may lumitaw pang clippings na puro bata pa ako. Noong araw kasi nauso iyan, iyong life story ng mga artista sa mga movie magazine. Nanghihiram sila ng old pictures, marami ang hindi na naisauli, kaya maski photo albums namin kulang-kulang. Pero nagulat ako may fans na nakapag-ipon pa noon.
Palagay ko maganda namang lalabas iyan. Pinagpaguran eh,” sabi ni Ate Vi.