HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI kami magpapaka-plastic ano man ang sabihin ninyo.
Inaamin naming tuwang-tuwa kami nang manalong Miss Universe si Miss USA R Bonney Gabriel. Aba eh noong manalo iyang Miss USA, pinag-uusapan na siya ang kauna-unahang Filipino American na kakatawan sa US sa Miss Universe at ipinagmamalaki niya na ang tatay niya ayFilipino.
Siya pa ang nagkuwento na ang tatay niyang si Ramon Bonifacio Gabriel ay lehitimong taga–Maynila, nakakuha lang ng scholarship sa US at dumating doon na walang laman ang bulsa kundi 20 dollars. Nang makita namin ang tatay ni R Bonney, aba eh typical Pinoy talaga siya.
Pagkatapos na manalo sa Miss Universe, nagpaabot ng pagbati at pasasalamat si R Bonney sa mga Filipino na sumuporta sa kanya sa kabuuan ng pageant. Naririnig naman kasi niya ang mga Pinoy na isinisigaw ang pangalan niya sa kabuuan ng pageant. Ganoon din ang sigawang “Mabuhay USA. Mabuhay Philippines” nang manalo siya.
At noong binati nga ang mga Filipino, nagsalita siya sa wikang Filipino, kasabay ng papuri sa lahing Filipino na sinabi niyang masipag, matiyaga, at determinado sa buhay, kaya ikinararangal niya na siya ay may dugong Pinoy.
Bilang isang Filipino, hindi ba dapat ikinararangal natin iyan?