HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKATATAWA iyong pelikulang Girlfriend Na Puwede Na.
Nagtatawanan talaga ang audience sa loob ng sinehan eh. Pero hindi iyon isang comedy film lamang. May makikita kang aral sa pelikula.
Iyan ang tama, nakita naman ninyo roon sa Metro Manila Film Festival, natalbugan na iyong mga comedy na hindi pinag-isipan. Iba na ang tao ngayon eh, babayad ka ba ng ganoon kamahal sa sinehan kung ang mapapanood mong comedy makikita mo rin sa mga comedy bar na malalasing ka pa?
Pero iyang Girlfriend Na, Puwede Na, hindi iyan tungkol sa pamimili ng isang girlfriend. Ang kuwento ay tungkol sa isang babaeng
mahabang panahong nabaliw sa kanyang poging boyfriend na mababaw naman pala ang pagpapahalaga sa kanya. Tapos may nakilala siya na ang plano niya ay gamitin lang para pagselosin ang kanyang poging boyfriend, na nang malaunan nakita niyang mas may pagpapahalaga sa kanya. Ang ending iniwan niya ang poging boyfriend.
Ang moral lesson diyan, huwag kayong habol nang habol basta pogi, isipin muna ninyo kung ano ang kahihinatnan ninyo sa pagdating ng araw. Hindi tama iyong paniwalang “boyfriend na, puwede na.” Kailangan iyong kaya kang panindigan ng boyfriend mo.
Makakapag-asawa ka nga ng pogi, tapos hindi mo rin naman makakasundo at ang ending maghihiwalay din kayo, paano ang mga anak ninyo? Iyan ang nangyayari sa atin, humahanap ng pogi, mabubuntis lang at aanakan tapos iiwan din naman. Hindi ba nangyayari iyan kahit na sa mga artista natin na magaganda rin naman. Iisipin mo ang gandang babae, aanakan lang tapos iiwan din. Mayroon namang babae na sanay na, magpapabuntis lang, manganganak nang sikreto, tapos wala na sila niyong lalaki.
Iyang relasyon kailangan pinag-iisipan. Ang ginagamit diyan ay utak, kaya nga ginawang ang utak mas mataas sa puso. Hindi dapat iyon ang ginagamit lang ay tibok ng puson.