ni Rose Novenario
TIKOM ang bibig ng Palasyo sa kontrobersiyal na panukalang batas na pagtatatag ng P250-B Maharlika Wealth Fund (MWF) kahit inamin ni Finance Secretary Benjamin Diokno na may go signal ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Lumusot kahapon sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang House Bill 6398 na iniakda ni Speaker Martin Romualdez kasama si Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos — anak ng pangulo — at limang iba pang mambabatas na may layunin umanong kumita ang kapos sa pondong gobyerno sa pamamagitan ng ‘pag-maximize” sa kakayahang kumita ng mga asset ng estado na ipupuhunan.
Ang Maharlika — isang salitang orihinal na nangangahulugang uri ng mandirigma —posibleng tumutukoy sa isa sa mga alamat na nilikha ng yumaong diktador na si Marcos Sr., na nagsabing pinamunuan niya ang isang yunit ng gerilya na tinatawag na ‘Maharlika’ noong panahon ng pananakop ng mga Hapon.
Sa ilalim ng panukalang batas, si Marcos Jr., ang magsisilbing chairman of the board na mamamahala sa MWF at 14 board directors, pati ang dalawang independent directors, ay kanyang itatalaga.
Batay sa HB 6398, ang apat na government financial institutions ay inaatasang mamuhunan ng equity na may pinagsamang kabuuang P250 bilyon upang simulan ang pondo.
Ang Government Service Insurance System (GSIS) ay magbibigay ng paunang puhunan na P125 bilyon, ang Social Security System (SSS), at Land Bank of the Philippines (LBP) ay mamumuhunan ng tig-P50 bilyon, at ang Development Bank of the Philippines (DBP), P25 bilyon.
Inaatasan ng panukalang batas ang national government sa pamamagitan ng Treasury of the Philippines na magbigay ng P25 bilyon bilang puhunan.
Bilang taunang kontribusyon sa pondo, ang panukala ay nag-uutos — sa pamamagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ( BSP) — foreign currency na katumbas ng 10 porsiyento ng remittances mula sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at ang 10 porsiyento ay mula sa taunang kontribusyon ng business processing outsourcing (BPO) sector.
Sinabi nito, ang Philippine Amusement and Gaming Corp., ay dapat mag-ambag ng hindi bababa sa 10 porsiyento ng kabuuang kita pagkatapos ng bisa ng panukalang ito.