WALANG HALAGA at ni hindi makabili ng isang sachet ng 3-in-1 coffee ang ipinagmamalaki ng Department of Budget and Management (DBM) na umentong ‘barya’ na ibinibigay ng gobyerno sa mga manggagawa sa gobyerno sa nakalipas na apat na taon habang ang mga opisyal ay lumobo ang suweldo ng P200,000 hanggang P400,000 kada buwan.
Tugon ito ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pahayag ng DBM na ang mga manggagawa sa gobyerno ay nakatitiyak sa pagtaas ng sahod sa 2023 ayon sa mandato ng Salary Standardization Law V (SSL V).
Para sa ACT ang SSL V ay ‘walang halaga’ dahil ang dagdag ay may tunay na halaga lamang na P4.85 sa pang-araw-araw na minimum na sahod ng mga manggagawa sa gobyerno mula 2018 hanggang 2022.
“Anong umento sa mga kawani ng gobyerno sa 2023 ang ipinagmamalaki ng DBM gayong hindi makabibili ng isang sachet ng 3-in-1 coffee ang barat na umentong ibinigay ng pamahalaan sa nakaraang apat na taon? Ang kabuuang P2,061 dagdag sa buwanang suweldo ng kawaning salary grade I mula 2018 hanggag ngayon ay P106 lamang ang tunay na halaga, o P4.85 kada araw, dahil sa napakataas na implasyon,” sabi ni Vladimer Quetua, ACT Chairperson.
Ang gobyerno, aniya, ang numero unong lumalabag sa itinakdang minimum wage.
Habang ang mga manggagawa aniya sa pribadong sektor sa National Capital Region ay inaatasan na makatanggap ng pang-araw-araw na minimum na sahod na P570 o P14,820 kada buwan, ang mga empleyado ng salary grade I government (SG I) ay tumatanggap lamang ng P12,517 buwan-buwan.
Ang itinakdang pagtaas sa P13,000 noong 2023 ay kulang sa minimum wage ng NCR at ang mga rank-and-file na empleyado at propesyonal sa gobyerno ay tumatanggap ng mga sahod na mababa sa antas na makabubuhay, ang suweldo ng mga matataas na opisyal ay eskandalong lumaki sa P200,000 hanggang mahigit P400,000 kada buwan.
Giit ni Quetua, walang hiya ang gobyerno sa pagtataguyod at pagpapatupad ng mga hindi makatarungang salary scheme sa sarili nitong bakuran.
“Ang aming hinihingi para sa P33,000 na minimum na suweldo para sa mga empleyado ng gobyerno ng SG I ay isang paggigiit ng aming karapatang mabuhay, batay sa sariling datos ng gobyerno ng family living wage. Kasabay nito, hinihiling namin ang apat na baitang na pagsasaayos sa suweldo ng mga guro, simula sa pag-upgrade ng mga posisyon ng Guro I mula sa salary grade 11 hanggang salary grade 15, para ang kanilang sahod ay kapantay ng iba pang mga propesyonal na may katulad na kalipikasyon tulad ng uniformed personnel at nurses,” diin ni Quetua.
Sa mahigit tatlong dekada, aniya, ginamit ng gobyerno ang salary standardization laws para mabawasan ang suweldo ng mga rank-and-file na empleyado at palakihin ang sahod ng matataas na opisyal.
Itinaguyod aniya nito ang hindi patas na salary scheme na nakaangkla sa mapagsamantalang sistema ng sahod sa pribadong sektor at lalong binaluktot ng patronage politics.
Bukod dito, ang natitira sa pondo ng publiko pagkatapos sirain ng burukratikong katiwalian ang kanila lamang nakukuha.
Nananawagan ang ACT na wakasan ang lahat ng pasakit na nagpapababa sa suweldo ng mga manggagawa sa gobyerno at ibigay ang nakabubuhay na sahod sa kawani ng pamahalaan at lahat ng manggagawa.
Nagsumite ng petisyon sa Malacañang kahapon ang ACT bitbit ang mga kahon na may lamang mga dokumentong pirmado ng 60,038 public school teachers at education personnel upang hilingin ang dagdag-sahod ng mga guro.
Nakasaad sa petisyon ang hirit ng grupong itaas sa Salary Grade (SG) 15 ang sahod ng entry-level teacher mula sa kasalukuyang SG 11.
Nanawagan din ang grupong itaas sa P33,000 ang SG 1 para sa ibang empleyado ng gobyerno at dagdag na P1,100 sa minimum wage sa pribadong sektor. (ROSE NOVENARIO)