KALBO ang kabundukan at ang epekto ng climate change ang sanhi ng malawakang pagbaha at landslides sa Maguindanao na ikinasawi ng 60 katao sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Paeng.
Ito ang napuna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang aerial inspection sa naging pinsala ng bagyo sa lalawigan.
“Noong nasa helicopter kami ni (Maguindanao Governor” Bai Mariam, na-notice ko lahat ng gumuho kalbo ang bundok. That’s the problem,” aniya sa situation briefing sa mga lokal na opisyal ng Maguindanao kahapon.
“And I was pointing out to the Governor, sabi ko sa kanya. Tingnan mo ‘yung may kahoy hindi gumalaw ‘yung lupa, lahat no’ng sugat na makita mo sa bundok dahil kalbo,” dagdag niya.
Ayon kay Maguindano Gov. Bai Mariam Sangki-Mangudadatu, naganap ang mga landslide sa Barangays Odin Sinsuat, Romonggaob, at Looy sa South Upi; Barangays Maagabo Bayanga Sur, Upper Bayanga Sur Norte, at Kabugaw Sapad sa Matanog.
Inatasan ni FM Jr., ang mga ahensiya ng pamahalaan na isama ang tree-planting activities sa flood control projects.
“So we have to include the tree-planting in our flood control. Dapat kasama ‘yan. Kung gagastos tayo sa flood control, kailangan may tree planting,” sabi ng Pangulo.
“So that’s one thing that we need to do. But that one alam na natin ‘yun, we have been hearing this over and over again, pero patuloy pa rin tayong nagpuputol ng kahoy, ‘yan ang nangyayari nagkaka-landslide ng ganyan,” giit niya.
Sa kanyang paskil sa Facebook kamakailan ay isiniwalat ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Commissioner Ruben Carranza na ang pamilya Marcos ay malaki ang ambag sa paglala ng climate change sa bansa.
Sa panahon aniya ng administrasyon ni Ferdinand E. Marcos mula 1965 hanggang 1986 ay umabot sa pitong milyong ektarya ng kagubatan ang napanot bunsod ng timber licensing agreements na kanyang nilagdaan na nagdulot ng halos 50% pagkapanot ng kabundukan.
“When you try to be woke but instead show the hypocrite you are: it was your family that plundered Philippine forests: “From 1965 to 1986, 7M hectares of forests were lost because of Marcos timber licensing agreements,” reducing nearly 50% of forest cover,” ayon kay Carranza. (ROSE NOVENARIO)