HATAWAN
ni Ed de Leon
PALAGAY namin, mahirap nga lang mangyari dahil napakalaking halaga ang kailangan, at saka iyong pride kasi umiiral eh, pero para wala nang problema at makabalik na nang tuluyan ang ABS-CBN, ay bayaran na lang nila ang lahat ng sinasabing utang nila sa mga financial institutions na na-restructure noon at ang sinasabing palusot nila, kahit na legal pa sa kailangang bayarang taxes.
Paulit-ulit na lang kasi ang akusasyon. Palagay namin kailangang magpakumbaba na rin sila sa mga grupong nasagasaan nila noong araw, na ngayon ay napakalakas ng lobby para huwag silang makakuhang muli ng prangkisa. Kung hindi, mananatili na lang silang content producer niyan.
Lahat naman ay nagsasabing makakakuha silang muli ng prangkisa, bayaran lang nila nang tama ang mga dapat bayaran. Pero
sabi nga namin, umiiral kasi ang pride na kung gagawin nila iyon, para nilang inamin na “nagpalusot” sila. Eh ano ba? Ang mahalaga ay makabalik sila.
Iyang tangka nilang pagbili ng shares of stocks ng ibang network, at siguro nga ay unti-unting pagsasalin niyon sa kanila ay sinilip din at ngayon ay naudlot pa, kaya ang pinaka-simpleng paraan diyan ay magpakumbaba na lang, huwag na iyong palaban Huwag na iyong umasa ng “people power” para makapagbukas sila, hindi nga sila nakaipon ng tao para mahadlangan ang pagpapasara sa kanila eh.
Iba na ang sitwasyon ngayon, Iba na ang style. Iyong minsan ay pinaka-makapangyarihan, at “Philippines’ largest network” ay magtatatlong taon nang wala. Noon sila ang may pinakamalakas na
transmitter, may pinakamaraming provincial stations, pero ngayon nakiki-block time na lang sa Zoe TV at sa TV5para mailapalabas ang shows nila. Bakit hindi nila subukang ayusin ang kanilang prangkisa nang may pagpapakumbaba?
Ang totoo, gusto rin naming magbukas ulit iyang ABS-CBN.
Gumawa lang sila nang kaunti pang pagbabago sa kanilang broadcasting style.