PUWEDENG sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang 11 miyembro ng Senate Economic Funds (SEF) na umutang ng halos mahigit sa tig-isang milyong piso dahil maliwanag na paglabag sa itinatadhana ng General Appropriations Act (GAA) at kung mapapatunayng nagkaroon ng dishonesty.
Batay sa nilalaman ng GAA, dapat tiyaking hindi mababa ang iuuwing take home pay ng isang empleyado at opisyal ng pamahalaan, sa kanyang kabuuang suweldo at ibinawas na rito ang mga obligasyong bayarin sa pamahalaan tulad ng tax at mga utang na kanyang dapat bayaran kung mayroon man.
Dahil kung susumahin, kahit sa loob ng 24 buwan ay hindi sapat ang kabuuang suweldo ng bawat isa sa 11 miyembro ng SEF para bayaran ang kanilang pagkakautang at kung sakaling mangyaring buong suweldo nila ang singilin ay wala na silang maiuuwing take home pay.
Bukod dito, maituturing itong ‘dishonesty,’ maliwanag na paglabag sa ilalim ng Civil Service Law dahil ang hindi pag-amin na sobra-sobra na ang kanyang pagkakautang sa itinatakda ng kanilang kasunduan sa ilalim ng SEF ay hindi dapat lumampas sa kalahating milyon ang maaaring mautang ng isang miyembro nito.
Ang pondo ng SEF, isang provident funds ay mula sa isang porsiyentong (1%) kontribusyon mula sa kabuuang sahod ng isang empleyado ng senado na miyembro nila at ang dalawang porsiyento (2%) ay mula naman sa pondo ng Senado sa ilalim ng GAA bilang employer contributions.
Nangangahulugan, ang sahod ng isang empleyado sa senado na miyembro ng SEF ay awtomatikong kakaltasan ng 1%, para sa kanyang share na P300 kada
buwan, samantala, dadagdagan ito mula sa pondo ng senado ng 2% o halagang P600 kaya ang kabuuang sahod ng buwanang kontribusyon ay P900.
Magugunitang isang empleyado ng senado noon ang tinanggalang makakuha ng benepisyo at nawalan ng trabaho dahil lamang sa kumuha siya ng 2 bond paper na itinuturing na dishosnesty ng Civil Service.
Ang SEF ng senado ay ibinatay sa provident funds ng Bangko Sentral ng Pilipinas at natatag noong Mayo 2010 sa panahon ni dating Senate President Juan Ponce Enrile dahil sa ideya ng grupo nina Richie Gascon at Atty. Rodel Dascil na unang pinamunuan ni Atty. Yolanda Doblon.
Layunin ng naturang provident funds ay upang matiyak na ang bawat empleyadong magreretiro sa paglilingkod sa pamahalaan ay mayroong maiuuwing dagdag na benepisyong pinansiyal.
Kabilang sa mga nakautang nang sobra-sobrang halaga na hindi nabatid agad ng pamunuan ng SEF ay sina Fresnido Abcede, may utang na umabot sa P2,168,439.09; Maricel Aganan, may utang na umabot sa 1,653,383.45; Annalyn Bañez, may utang na 1,906,451.56; Kedda Baraero, may utang na 1,348,988.90; Paulette Honrubio, may utang na 1,702,830.55; Sonia Rose Lagunsad, may utang na 1,932,230.31; Zaldy Orleans may utang na 1,483,616.66; Jennifer Pancho, 1,404,722.23; Van Raymund Sarabia na may utang na 2,563,847.20; Jocelyn Timajo, 1,011,207.45 at Ramon Triunfante may utang na 1,447, 740.75 (NINO ACLAN)