PROMDI
ni Fernan Angeles
HINDI na bago ang usapang SOP sa mga proyektong nakukuha ng mga kontratista sa pamahalaan. Kung ilang porsiyento, depende sa halaga ng proyekto – o di naman kaya’y sa takaw ng kausap na taong gobyerno.
Pero sa Department of Education (DepEd), iba ang kostumbre ng isang sindikatong nagpapakilalang ‘pasok’ kay incoming Vice President Sara Duterte na itinalaga para pamunuan ang naturang departamento.
Ayon sa isang impormanteng tulad kong probinsiyano, kakaiba ang tikas ng nasabing grupo. Magarang manamit, matamis mangusap, at maagap pagdating sa pera.
Katunayan, nagawa ng naturang sindikatong kultaban agad ng tumataginting na P25 milyon ang isang kontratista kapalit ng pangakong sa kanya igagawad ni incoming DepEd Secretary Sara Duterte ang proyekto sa de-fogging ng mga silid aralan sa 47,612 public schools sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang totoo, sadyang nakaeengganyo ang alok ng naturang sindikato, lalo pa’t P2.5 bilyon ang halaga ng naturang proyektong ikinasa ng gobyerno sa gitna ng mga ulat kaugnay ng pagdami ng mga kaso ng Dengue sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa simpleng pagkukuwenta, lumalabas na 1% lang ang paunang biyaya.
Ang siste, mukhang mauuwi lang sa wala ang inilabas na pera ng negosyanteng natakam sa malaking kita sa sandaling umupo na sa DepEd si VP Sara. Bakit kamo? Minsan na kasing umugong ang operasyon ng naturang sindikato. Tumanggap ng SOP, pero hindi naman natuloy ang proyekto. Ang resulta – lumbay ang negosyanteng napurdoy!
Ang modus ng sindikato – magpakilalang ‘panyero’ ng isang taong malapit sa puso ni VP Sara. Kung kikilatisin ang pagkatao ng mga damuho, mapanganganga ka. Kasi naman, totoo naman palang may kinakapitan sa kampo ng susunod na Pangalawang Pangulo.
Ang tanong – may basbas ba sila ni VP Sara? Malinaw na wala. Dahil kung mayroon, bakit ‘yung pangakong proyekto para sa unang kinausap ng naturang grupo, biglang napurnada?
E kasi nga, nabalitaan pala ng noo’y Davao City Mayor na ginagamit ng naturang grupo ang kanyang pangalan sa kabi-kabilang diskarteng bulilyaso. Kaya siya mismo nagpakansela ng proyektong ipinangako sa kontratistang kinultaban ng mga kawatan.
Sino ang puno ng sindikato? PM is the key mga ka-Promdi!