Saturday , January 4 2025
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Iyaking Hunyango

PROMDI
ni Fernan Angeles

SA ITINAGAL-TAGAL ko sa pagiging peryodista, hindi ko na rin mabilang kung ilan ang aking pinuna.

May mga politiko, negosyanteng mapagsamantala, mga abusadong pulis at maging ang mga bigating sindikato. Aaminin ko, kinabog ako sa una kong libelo. Dangan naman kasi nagbanta ang may-ari ng peryodiko, mawawalan ako ng trabaho pag natalo kami sa kaso.

Buti na lang, agad na-dismiss ang asunto.

Marami pang mga sumunod na libelong kalakip ng mga isiniwalat kong bulilyaso. Kamakailan lang, naisulat ko sa isang arawang peryodiko ang hinggil sa isang katangi-tanging hunyango.

Bakit ‘kan’yo? Simbilis ng kidlat ang kanyang pagdapo sa kabilang kampo sa hudyat ng pagkalaos ng amo niyang politiko.

Mula sa pagiging chief of staff ng isang talunang kandidato sa posisyon ng pangalawang pangulo, patungo sa senador na kilalang malapit sa paretirong Pangulo hanggang sa pagdapo niya sa bakuran ng Bad Boy ng pelikulang Filipino.

Mabilasik ang hunyango. Katangi-tangi ang karisma. Matamis mangusap ang kanyang dila. Kung makakatisod ng tatanga-tangang ambisyoso, siguradong laglag agad sa patibong nito.

Ang ending, wagi ang hunyangong hayahay habang binibilang ang nakultab na pipay!

Matapos lumabas ang aking artikulo, mabilis kumalat sa Senado. Aba… instant pulutan ang hunyango sa lahat ng sulok ng bulwagang laan para sa mga kagalang-galang na miyembro ng Kongreso.

May mga natuwa, mayroon din namang natawa. Pero ang hunyango, deadma lang na animo’y hindi apektado.

Nito lamang 9 Hunyo, nakatanggap ako ng mensahe. Hindi ko kilala pero aniya, baka raw puwede kaming mag-usap. Susmaryossep, usap lang pala e… sige walang problema, sagot ko sa kanya. Maya-maya pa, tumawag nga. Nagpakilalang kaibigan ng hunyango. Ang kanyang hiling, tungkabin ang kolum ko sa peryodiko kapalit ng aniya’y kaunting ‘pabor’ – with a capital P ha. Tugon ko naman sa kanya, di ko isusulat ang naturang pitak kung walang taong pumiyak, kasabay ng mungkahing magpadala ng pormal na liham na nagpapaliwanag ng kanilang panig.

Pero mapilit ang sugo ng hunyango. Dito ko na sila hinamon. Wika ko, magsampa na lang sila ng kaso sa husgado.

Bakit nga kaya may mga taong akala mo’y kayang bilhin ang lahat ng peryodista?

Dahil ba sa batid nilang kakarampot ang suweldo ng mga journo? Sa isang banda, ‘yan naman ang totoo. Hindi ako nagmamalinis. May pagkakataong may nagpapadala sa akin ng regalo bilang pasasalamat sa anila’y naitulong ko.

Sa aking kaarawan, ‘di rin naman nila ako nakakalimutan – isang simpleng HBD lang sa text, happy na ko. Pagtuntong ng Disyembre, may mga nag-iiwan ng ‘pamasko’ sa tanggapan kung saan ako konektado.

Puwede naman tayo maging magkaibigan pero hindi ako for sale tulad ng akala niyo!

PS: Galingan n’yo lang kung gagawa kayo ng bulilyaso.

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …