Saturday , November 16 2024

Dapat na nga bang hubarin ang masks?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SA ISANG pribadong chat, sinabi ng isa kong kaibigan, “Ang titigas talaga ng ulo ng mga Cebuano!”

Bago pa ito magmukhang paninitang pangrehiyon, gusto kong linawin na ang pahayag na ito ay naibulalas ng isang lantay na Bisaya – isang edukador – na nakatuon sa ating pangkabuuang pagkakakilanlan bilang mga Filipino.

Siyempre pa, ang konteksto ng komentong ito ay ibinatay sa executive order na inilabas noong nakaraang linggo ni Cebu Gov. Gwen Garcia, na ginawang optional ang pagsusuot ng masks sa outdoor settings.

Matatandaang hindi ito ang unang beses na sinita ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang hakbangin ni Gov. Gwen na taliwas daw sa mga direktiba ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya.

Kompara sa ipinatutupad ng gobyerno, nagluwag siya sa polisiya ng Cebu sa pagtanggap ng mga hindi bakunadong turista at, sa kritikal na pagkakataon, ay iprinotesta ang ‘napakaestriktong’ pandemic status na itinakda para sa lalawigan gayong pursigido itong kontrolin ang, noong panahong iyon, ay isang matinding outbreak.

Kaya kung mayroon mang kokontra sa akusasyon ng katigasan ng ulo, malinaw naman kung sino ang taong iyon – hindi para lahatin ang mga Cebuano, kundi ang pinakamakapangyarihang halal na lokal na opisyal.

Hindi na marahil kailangang sabihin na laging umaaksiyon ang gobernadora base sa kung ano ang pinaniniwalaan niyang pinakamainam para sa kanyang mga nasasakupan. Pero sa pagkakataong ito, sang-ayon ako sa pagpapatigil ni DILG Secretary Eduardo Año sa sunod-sunod na pagsuway ng gobernadora sa mga polisiya, lalo na dahil ang mga direktiba nito ay nakaaapekto sa chain of command ng Philippine National Police (PNP).

Pero wala sa bokabularyo ni Gov. Gwen ang pag-atras, at isa ito sa mga nakatutuwang katangian niya bilang isang pinuno. Gayonman, batid ng isang mabuting leader kung kailan pakikinggan ang tinig ng karunungan, lalo na mula sa mga disease experts na ibinabatay sa siyensiya ang lahat ng pagtaya kaugnay ng hawaan ng COVID-19.

Kabilang sa mga ekspertong ito si Dr. Rontgene Solante, na nagsabing naniniwala ang mga lokal na eksperto at ang World Health Organization (WHO) na “hindi ito ang panahon” para ihinto ang pagpapatupad ng polisiya sa obligadong pagsusuot ng mask.

Ikinokonsidera ang development na ito sa Cebu, nagbabala si Dr. Solante laban sa paggaya sa Amerika at Singapore sa hindi na pagsusuot ng masks. Hindi gaya sa Filipinas, ang dalawang bansang ito ay nag-imbak ng Paxlovid at Molnupiravir – mga gamot na ginagamit upang maiwasang maging nakamamatay ang COVID-19 infection – at handang ipagamit nang libre sa kani-kanilang constituents.

Nitong weekend, tinaya ni OCTA Research fellow Guido David na magkakaroon ng “weak surge” sa mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo. Tinukoy niyang dahilan nito ang parehong katuwiran ng Department of Health: ang mga bagong subvariants, lumalamyang bisa ng bakuna, kakaunting nabigyan ng booster shots, at kapabayaan sa bahagi ng pagtupad ng publiko sa health protocols, kabilang ang pagsusuot ng masks.

Ang Cebu ay isang napakagandang lugar para sa mabubuting mamamayan.  At tulad ng maraming regional centers sa bansa, nakapagtala rin ito ng pinakamatitinding hawaan ng COVID-19 simula 2020. Hindi na maibabalik ang mga napakahahalagang buhay na nawala, pero may pagkakataon pa para maiwasang madagdagan ito sa pamamagitan ng hindi pag-aapura sa implementasyon ng mga nakabibilib na polisiya laban sa mga payo ng eksperto.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …