PROMDI
ni Fernan Angeles
HINDI sapat ang katagang pakipot para ilarawan ang abogadong kongresistang si Rodante Marcoleta. Dangan naman kasi, masyadong paimportante na tila ba walang mas magaling sa kanya.
Unang lumutang ang kanyang pangalan sa talaan ng mga itatalaga sa iba’t ibang departamento. Kabilang sina Atty. Vic Rodriguez na hinirang na executive secretary, Benhur Abalos na isinoga sa Department of Interior and Local Government (DILG), at incoming Vice-President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd).
Andoon naman ang pangalan ni Marcoleta. Ang siste, ang target niyang kagawaran, hindi sa kanya ipinagkatiwala kundi sa kapwa niya kongresistang si Boying Remulla, na ayon sa mga tsismosong nakababad sa isang malaking tanggapan sa EDSA ay ginastusan ng bonggang-bongga ng isang kontrobersiyal na negosyanteng Tsino.
Sa isang iglap, nawala ang aliwalas ng kanyang mukha. Ang dating awrang punong-puno ng kompiyansa, naging larawan ng pagkadesmaya.
Gayonpaman, bigo man siyang masungkit ang DOJ, sumunod namang humugong na siya’y ipupuwesto sa Department of Energy (DOE). Ang siste, kailangan pa niyang daigin ang mga bigating tulad ng anak ng isang dating Pangulo, nakaupong ERC chairperson, dalawang dating Kalihim at ang nag-iisang walang padrino – si Benito Ranque.
Kaya naman pala ang peg niya ngayon, agaw-eksena. Kesyo ‘di daw siya interesado sa puwesto. Hay naku Congressman Marcoleta, punong-puno ka ng drama. Kung ako si incoming President Ferdinand Marcos, Jr., mapipikon ako… sukat ba namang magmalaki pa sa susunod na Pangulo!
Wika pa ng kongresista, hindi niya ipinagpipilitan ang sarili kay Marcos na para bang siya lang ang kalipikado sa naturang departamento. Yaman din lang pinag-uusapan ang kalipikasyon, pihadong kulelat siya kompara sa limang iba pa sa larangan ng enerhiya.
Ang totoo, tanging ang Pangulo lang ang may mandatong magtalaga ng mga mamumuno sa iba’t ibang mga departamento. Walang iba pa! May pamantayan rin si Marcos para sa mga taong itatalaga niya sa puwesto – dapat may sinseridad, paninindigan at kakayahang isakatuparan ang mga ipinangako niya noong panahong ng kampanya.
Bukod kay Marcoleta, dalawa pang aspirante sa DOE kabilang sina ERC chairperson Agnes Devanadera at Mikey Arroyo kapwa may kanya-kanyang adyenda – ang isulong ang interes ng Meralco at Aboitiz Power, sukdulang isakripisyo ang kapakanan ng mga konsumer.
Ang tanong, na kay Marcoleta ba ang mga katangiang hanap ni Marcos, Jr.?
Ano’t ano pa man, puwede naman daw siyang bumalik sa pagiging kongresista. E di wow! Hindi kabawasan ng susunod na administrasyon ang mga tulad ni Marcolekta.