PROMDI
ni Fernan Angeles
KONTING KEMBOT na lang, inaasahang makokompleto na ng susunod na Pangulo ang talaan ng mga karapat-dapat italaga sa iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan. Kabilang sa mga tanggapang mayroon nang Sekretaryo ang Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DoJ), Department of Finance (DOF) at National Economic Development Administration (NEDA).
Pero teka, bakit wala pa rin nominado sa puwesto ng Department of Energy?
Ang totoo, ibayong ingat ang ginagawang pagrerebisa ni incoming President Ferdinand Marcos Jr., sa mga aplikante ng mga sensitibong departamento — kabilang syempre ang DOE, lalo pa’t hindi biro ang dinaranas na pagdurusa ng mga Filipino bunsod ng mahal na singil sa koryente at kada linggong umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang siste, hindi mawari kung saan humuhugot ng lakas ng loob si Energy Regulatory Commission (ERC) chief Agnes Devanadera para puntiryahin ang DOE gayong hitik sa bulilyaso ang kanyang mismong tanggapan.
Patunay nito ang ginawang pagkontra ng electric cooperatives sa kanayunan at consumer rights groups kabilang ang Power for People Coalition (P4P) sa kanilang hayagang pagkadesmaya.
Ayon kay P4P Convenor Gerry Arances, walang pagsidlan ang kabi-kabilang asunto at kapalpakan ni Devanadera sa ERC at maging sa mga dating tanggapan kung saan siya dating itinalaga. Sa ERC pa lang, ani Arances, halata naman ang romansa sa pagitan ni Devanadera at mga dambuhalang kompanya sa likod ng ‘dirty energy.’
Bago pa man siya napunta sa ERC, taong 2006 nang sampahan ng kaso ng Ombudsman ang noo’y Philippine National Construction Corp. (PNCC) legal counsel na si Devanadera kaugnay ng P6.1-bilyong anomalya sa kasunduang pinagtibay ng PNCC at Radstock Securities Ltd na tumayong kahalili ng Marubeni Corp.
Pagsapit ng 2007, inireklamo si Devanadera na noo’y isang Solicitor General dahil sa kanyang lantarang pamomolitika sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa mga career government officials na makisawsaw sa halalan, partikular sa May 2007 midterm election. Muntik pa nga siyang tanggalan ng lisensiya dahil sa kasong electioneering!
Para kay Arances, hindi puwesto sa gobyerno kundi mga asunto ang dapat igawad kay Devanadera dahil sa kabiguan nitong isulong ang kapakanan ng mamamayan bilang ERC chairperson.
Bilang ERC chairperson, bigo siya sa polisiya. Di niya kayang ipatupad nang tama ang mga reglamento sa mga energy companies na nasa likod ng mapaminsalang coal fired power companies at maging usa-usapin ng buwanang singil ng mga distribution firms tulad ng Meralco.
Kung sa ERC pa nga lang wala siyang ginawang tama, paano pa kaya kung masungkit pa niya ang DOE?
Mukhang tama si Maestro Butch Junia. Agnes Devanadera is a scam!
Ang masaklap, may apat pang pumupostura sa DOE. Kabilang sa mga humugong na pangalan sina Mikey Arroyo na nakasandal sa saya ng inang dating Pangulo, Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta at dalawang dating Energy Secretary — sina Vince Perez at Rene Almendras.
Ang tanong — hindi pa ba kayo busog? Bawal ang “eat all you can” sa ilalim ng susunod na administrasyon.