PROMDI
ni Fernan Angeles
SA NALALAPIT na pag-upo ni Ferdinand Marcos, Jr., bilang ika-17 Pangulo ng bansa, higit na kailangan niyang makapagtalaga ng mga henyo at sinsero sa kani-kanilang larangan.
Ang totoo, maraming natuwa nang buksan ni Marcos Jr., ang mga posisyon sa gabinete sa mga taong labas sa talaan ng kanyang mga kaalyado.
Sina Benjamin Diokno sa Department of Finance (DOF), Felipe Medalla sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Alfredo Pascual sa Department of Trade and Industry (DTI), Arsenio Balisacan sa National Economic Development Authority (NEDA), Bienvenido Laguesma sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Susan Ople sa Department of Migrant Workers (DMW) – mga taong hindi bahagi ng anumang grupong nagsulong sa kandidatura ni Marcos Jr., nitong nakaraang halalan.
Ang siste, mukhang masisira ang line up ni Marcos Jr. ,kung mahahaluan ang kanyang koponan ng isang abogadong pulutan sa mga huntahan dahil sa kakaibang ikinikilos.
Bakit nga naman hindi pupulaan si Sagip partylist Rodante Marcoleta kung sa pagiging kongresista niya’y pawang basurang panukala lang ang inihain sa plenaryo. Anong buti ang dulot ng kanyang panukalang batas na tanggalan ng krusipiho ang mga silid sa mga pagamutan?
Alam ba niyang 90% ng populasyon sa bansa ay pawang Kristiyano? Batid din ba ni Marcoleta ang likas na pagiging relihiyoso nating mga Filipino – lalo sa panahon ng kagipitan o bingit ng kamatayan? Bakit niya nais tanggalin ang imaheng pinaghuhugutan ng pag-asa ng mga taong nasa balag ng peligro?
Ang masaklap, isinulong rin niya bilang mambabatas na bigyan lamang ng P1,000 annual budget ang Commission on Human Rights (CHR) dahil sa hindi pagpanig sa Pangulo sa kinasangkutang kaso sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong gera kontra droga – na tila ba kailangang unahin ng CHR ang isang tao kompara sa mahigit 6,000 kataong biktima ng extrajudicial killings.