SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MASAYA at nagpapasalamat ang baguhang singer na si Yohan Castro sa pagbibigay sa kanya ng taguri bilang Millennial Pop Prince.
Ayon kay Yohan sa isinagawang paglulunsad ng ARTalent Management sa mga alaga niya kamakailan na isinagawa sa Marah Hotel and Resort sa Alfonso, Cavite, isang malaking karangalan ang pagbibigay ng taguring Millennial Pop Prince.
“Ang hirap makipagsabayan sa mga millennial ngayon at alam natin na they have their own genres,” simula ni Yohan.
“Iba-iba ang level ng kanilang musicality talaga. So, as a Millennial Pop Prince I’m so thankful sa inyo personally kasi pribilehiyo ko na sa inyo nanggaling iyong name na iyon.
“Unang-una nagpapasalamat ako kay Lord kasi binigyan niya ako ng pagkakataon na talagang magkaroon ng name na parang pwede ko siyang ika-proud. Proud ako kasi galing mismo sa inyo ‘yun. And salamat sa lahat ng sumusuporta sa akin, sa amin, sa lahat ng mga naniniwala sa talento ko, thank you so much po sa inyo,” sabi pa ni Yohan.
Bukod sa announcement ng itatawag kay Yohan at pagpapakilala sa mga bagong alaga ng ARTalent Management, ibinalita ng may-ari nito na si Doc Arthur Cruzada na bibigyan ng multi-awarded composer na si Vehnee Saturno ng dalawang kanta.
Kaya naman sobra-sobra ang pasasalamat ni Yohan at nakaramdam ito ng malaking hamon para mapandigan at mabigyan ng hustisya ang komposisyong ipinagkatiwala sa kanya ng magaling na kompositor.
“It’s a very big challenge for me dahil ‘yun nga pangalan ni Vehnee Saturno ‘yung nakasalalay doon. So, ako bilang Yohan Castro, ano ang magagawa ko roon sa song na ibinigay niya? It’s a challenge for me, na alam ko gusto rin ni Sir Vehnee na mabigyan ko ng justice ‘yung song,” sambit ni Yohan na pumirma rin ng kontrata bilang endorser at ambassador ng Marah Dalciano Hotel and Resort, Wash N Fresh, at Le Premier Language International. Dagdag ito sa mga naunang ineendoso ni Yohan na Queen Eva Salon & SPA at Luminescence Face and Body Care.
Isinabay din sa announcement ang contract signing ng mga alaga ng ARTalent Management artists. Bukod kay Yohan, magiging alaga rin ni Doc Art sina Nic Galano, na sumali sa Idol Ph Season 1, ang theater actor-singer na si Dene Gomez, at ang bandang 3nity na binubuo nina Kevin Saribon, Gennyvi Laxamana, at Rodrigo Alvarez Jr.
“Sobrang overwhelmed ako, iba ‘yung pakiramdam na biglaan ‘yung pagkabuo ng ARTalent Management. Pero sabi ko nga, ‘yung saya nito hindi mapapantayan. Sobra ‘yung kaligayahan ko na dumating sa akin itong mga bagong angels ko, itong mga artist ko na very talented at mababait. Kumbaga itong mga angel na ito I’m pretty sure na magbibigay sa atin ng magandang bukas,” sambit ni Doc Arthur.
Nakabibilib ang polisiya ni Doc Art sa pagbibigay ng talent fee sa kanyang artists na 75% mula sa kabuuang kita at 20% lang ang kanyang kukuning cut bilang manager. Ang natitirang 5% ay ibibigay nila sa chosen charity ng kanyang artists. Kaiba talaga si Doc Art, busilak ang puso.
Iginiit pa ni Doc Art na aalagaan niyang mabuti ang kanyang mga talent at hands on siyang magbibigay ng suporta sa mga ito.