Saturday , November 16 2024

Para nga ba sa atin ang cancel culture?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

UMABOT na ang cancel culture sa ating modernong kamalayan bilang isang bagong phenomenon. Para sa ilan, ang cancel culture ay nagsimula sa Amerika, kung saan naging isyu ang “unfollowing” sa social media sa ilang personalidad na kilala sa buong mundo — mula sa Hollywood sex offenders na sina Harvey Weinstein at Bill Cosby hanggang sa polarizing US president na si Donald Trump.

Sa Cambridge Dictionary, tinutukoy ang cancel culture bilang “isang paraan ng pag-uugali sa isang komunidad o grupo, lalo sa social media, kung saan pangkaraniwan na lubusang talikuran o itigil ang suporta sa isang tao dahil may nasabi o nagawang nakasakit o hindi pumabor sa ‘yo.”

Dito sa Filipinas, gaya sa iba pang dako ng mundo kung saan ang mga pagtatalo at ang mga personalidad, paksang politikal, at usapin ay nagdudulot ng hindi pagkakasundo-sundo, umiiral ang cancel culture. Lalo pa itong nag-umigting dahil sa eleksiyong naghati-hati sa atin.

Sa totoo lang, hindi na bago sa ating mga Filipino ang cancel culture, bagamat ang terminong millennial na ito ay lalo pang nagpamulat sa atin bilang mamamayan at bilang netizens. Hindi ako historian o sociologist, pero masasabi kong ang Sigaw sa Pugad Lawin, kung saan pinagpunit-punit ng mga katipunero ang kanilang mga sedula bilang protesta sa kolonyalismo ng Espanya, ay maituturing na cancel culture. Gayondin ang pagboykot ng oposisyon sa eleksiyon noong 1981, dahil alam naman nilang ginagamit lamang ito ni Ferdinand E. Marcos upang mapanatili ang diktadurya.

Batay sa mga paninindigang ito, mabuti o masama ba ang cancel culture? Sa kabilang banda, masasabing anti-social at sa isang punto ay pagrerebelde na minsang sinabi ni Trump – isang populist at nakababahalang presensiya sa White House noong kanyang termino – na “iyon ang aktuwal na kahulugan ng totalitarianism.” Sa puntong ito, sang-ayon ako at maging ang kanyang mga kritiko.

Totoong mayroong mga naiimpluwensiyahan ng ideyalismo ang itinuturing na nauusong pag-uugaling ito bilang pagpapasimula ng positibong pagbabago. Nagbubunsod ito ng pagbubuklud-buklod para sa isang mabuting intensiyon at nagbibigay-daan para sa hindi marahas na pakikibaka sa social media o sa purchasing habits.

Gayonman, hindi maitatangging sangkot sa cancel culture ang panghuhusga sa moralidad, ang kawalan ng hustisya, at maging ang kalakaran ng pagkukuyog na kahit ano pang mabuting intensiyon ang igiiit, nangangamba akong nawawalan na tayo ng mismong ating pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal. Ipinapaalala ng linyang ito sa akin na huwag maging mapagpangaral, pero ang totoo, nakapagpapalungkot at nakapagpapahina ng aking kaluluwa ang cancel culture. Isa itong mabilis na paraan upang makaiwas sa matalinong talakayan at pag-uusap at hindi nagbibigay ng pagkakataon para sana magkaunawaan.

Tayo na lamang, halimbawa – nagkakasundo ang bawat isa sa atin na kailangan nating magtulung-tulong, anuman ang ating maiaambag, upang makabangon mula sa pagdurusang dulot ng pandemyang ito ng COVID-19.

Lahat tayo ay nangangarap ng mas mabuting kinabukasan at sa pagitan ng 2020-2021, napagtagumpayan natin ang ating mga personal na suliranin at tinulungan ang ating mga kapitbahay at ang mga estranghero na hindi magawang makapaghain sa mesa ng kanilang makakain.

Kumapit tayo sa pag-asa sa pagdaraos ng ating eleksiyon ngayong Mayo 2022. At tulad ng marami sa inyo, desmayado rin ako. Pero hindi yata tamang pairalin pa natin ang cancel culture ngayong sadsad ang ating ekonomiya… ang mismong ating bansa; at iboykot ang mga restaurants, commercial establishments, mga nasa industriya ng entertainment, mga gurong dati nating inirerespeto at maraming naituro sa atin, mga kaibigan — tunay na mga kaibigan, at mga miyembro ng pamilya.

Ito ba talaga ang panahong dapat nating pairalin ang cancel culture? Naniniwala akong nasasaktan lang ngayon ang ating mga damdamin dahil sa ating pagkatalo o masyado lang tayong nagyayabang dahil sa ating pagkapanalo. Nakalulungkot na makitang tayo mismo ang naglalaban-laban.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …