Sunday , December 22 2024
Susan Roces

Susan Roces bahagi ng showbiz era na sa kanila lang

HATAWAN
ni Ed de Leon

BATA pa lamang ang yumaong movie queen na si Susan Roces ay talagang pangarap na niyang maging artista at patutunayan iyan sa screen shot ng isang school annual na sinabi niyang ang ambisyon niya sa buhay ay “to be a successful dramatist.” Pero aniya ang teacher niya sa speech and drama ang nagsabi sa kanyang may kinabukasan siya sa field na iyon, at kinumbinsi siyang mag-aral pa para mas matuto bilang isang dramatist.

Sampung taong gulang lamang si Susan nang makasama siya sa pelikulang Mga Bituin ng Kinabukasan noong 1952 na ginawa ni Jose Nepomuceno, ang kinikilalang ama ng pelikulang Tagalog, pero matapos iyon ay kailangan  niyang tumigil dahil sa pag-aaral.

Pero noong 1956, sa isang open house ng Sampaguita Pictures nagpunta si Susan para makita nang personal si Gloria Romero. Nakita siya ng film producer na si Dr. Jose Perez, at tinanong kung interesado rin siyang mag-artista. Ang kuwento ni Susan, bantulot siyang sumagot dahil hindi naman niya kilala si Doc, na napagkamalan pa niyang isang character actor sa pelikula. Pero pagkatapos niyon mabilis siyang pinabigyan ng screentest, at isinama agad sa pelikulang Miss Tilapia na ginawa ng

director na si Mar S Torres, na ang bida ay si Gloria.

Nakita ang magandang rehistro niya sa pelikula at ang kakayahan bilang artista, kaya noong taon ding iyon, 1956, ginawa siyang bida sa pelikulang ginawa ni Octavio Silos, iyong Boksingera Daw, katambal si Luis Gonzales. Halos magkasabay silangsumikat  ni Amalia Fuentes, habang nananatili ang panahon nina Gloria at Carmen Rosales. Mas lalo silang sumikat nang maging ganap na dalaga at magkaroon ng ka-love team. Si Susan ay naging katambal ni Eddie Gutierrez  at si Amalia naman ay naka-love team ni Romeo Vasquez. Doon nagsimula ang isang bagong era sa showbusiness hanggang sa dumating ang panahon nina Vilma Santos at Nora Aunor.

Sa natatandaan namin, pelikula ni Susan ang una naming napanood in full Eastman Color, iyon ang tawag noon ng Kodak sa kanilang may kulay na pelikula sa Asya. Iyon ay ang pelikulang Zamboanga na pinagtambalan nilang dalawa ni Fernando Poe Jr., ang mga dating pelikulang Tagalog ay sinasabing “partly in color” lamang, o may bahaging may kulay na karaniwan ay dream sequence.

Sa mga pelikulang Ingles, karaniwan na ang may kulay na tinatawag naman nila noong Technicolor. Pero sinasabi nila, na ang unang pelikulang Filipino na may kulay ay iyong Prinsipe Amante ni Lamberto Avellana, na ang ginamit pa ay Ansco Color. May kuwento pa noon tungkol sa isang pelikula, na ginawa naman ng national artist na si Manuel Conde, iyong Ibong Adarna, na sinasabing ang ibon ay kinulayang “frame by frame” sa mga eksenang umawit iyon noong 1941. Wala pa tayong facilities para sa mga pelikulang may kulay noon.

Si Susan ay bahagi ng isang era sa showbusiness na masasabi nating sa kanila lang, at bukod nga sa pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya sa pelikula, hindi masasabing nahigitan na ang kanilang panahon. Iyon ang panahong ang kalaban ng pelikulang Pilipino ay Hollywood, at nagawang lumaban ng mga local film makers sa kabila ng kakulangan ng equipment na karaniwang binibiling “American surplus lamang at kakulangan din sa teknolohiya ng mga laboratory.

Ngayon ang mga equipment at laboratoryo ay hindi na pahuhuli sa ginagamit sa Hollywood o alin mang bahagi ng mundo, pero nakatutuwa na ang mga pelikula natin ay hindi halos makalaban sa mga pelikulang dayuhan.

Sayang nawawala na ang mahuhusay na artistang gaya nina Susan at Amalia. Pero sinasabi nga nila na nariyan pa naman si Vilma na inaasahan nilang mag-aangat ng industriya lalo ngayon at nagsabi nga siyang haharapin na niyang muli ang showbusiness matapos ang 23 taong political career.

About Ed de Leon

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …