Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Moro-morong tigil operasyon ng e-Sabong

PROMDI
ni Fernan Angeles

SA KUMPAS ng Pangulong Rodrigo Duterte, ang kontrobersiyal na e-sabong kanyang ipinahinto, kasabay ng direktiba sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa agarang tigil operasyon ng online talpakan.

Ang totoo, agad namang kumilos si DILG Secretary Eduardo Año. Katunayan, isang kalatas ang agad niyang ibinaba sa Philippine National Police (PNP) at sa mga local government units (LGU) para sa sabayan, kung hindi man pinag-isang operasyon laban sa mga e-sabong operators na matigas ang ulo.

Ang betting stations, agad na ipinasara ng mga LGUs bilang tugon sa direktiba ni Año. Pero teka, hindi limitado sa mga betting stations ang lintek na online sabong. Online nga ‘di ba?

Sa kabila ng direktiba ng Pangulo noong 3 Mayo 2022, nagpatuloy pa rin ang operasyon ng e-sabong na piniling bumalik sa dating modus nito – estilong gerilya, patago, ‘ika nga. Hindi tulad ng jueteng na gumagamit ng kobrador sa pangangalap ng pusta, ang mga e-sabong operator nakasandal sa makabagong teknolohiya.

Patunay nito ang mga text blast na natatanggap ng milyon-milyong Filipino sa kani-kanilang mga telepono. Ako mismo, nakatanggap ng mensahe sa aking mumurahing mobile phone. Sa buong buhay ko, di pa ako nakatuntong sa loob ng sabungan. Hindi ako sabungero at wala akong planong isugal ang kakarampot na kitang pilit kong pinagkakasya sa aking pamilya.

Bakit ako nakatanggap ng ‘paanyaya’ sa telepono? Ayon sa kapwa ko peryodistang si Non Alquitran, isang marketing strategy ang paggamit ng text blast, kesehodang ilegal o lehitimo ang isang negosyo.

Bahagi ng text blast ang isang URL link kung saan matutunghayan ang talpakan. Sa nasabing link din puwedeng tumaya gamit ang digital payment system tulad ng GCash ng Globe Telecom. Pati ang premyo, GCash payment din – ‘yun ay kung mananalo ka!

Kung pagbabatayan ko ang mga kinahinatnan ng mga kakilalang nalulong sa lintek na e-sabong, mas lamang ang malubog tayo kaysa manalo.

Patunay nito ang mga naglabasang balita tungkol sa mga negosyanteng nalugmok matapos ipusta pati puhunan sa negosyo, mga batang nawindang ang pag-aaral dahil sa pagkahumaling sa talpakang napapanood sa kanilang mga hawak na telepono, mga mag-asawang naghiwalay, pamilyang nawasak, mga taong dinukot at mga pinaniniwalaang pinaslang dahil sa e-sabong.

Ang tanong – bakit patuloy pa rin ang e-sabong? Kasi nga, may basbas ng mga tiwali sa PNP. Sila yaong nagbibigay proteksiyon sa ilegal na sugal, kapalit ng lingguhang tara – mula noon, hanggang ngayon.

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …