ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISANG rapper at magaling na komedyante pa rin ang naka-agaw ng aming atensiyon, siya ang nag-iisang si Michael V. Ito’y sa pamamagitan ng ginawa niyang tula na may koneksiyon sa katatapos na election sa ating bansa.
Pinamagatang Mindset, dito’y inamin niyang siya ay pumanig sa grupo ng Pink noong May 9 election.
Sa kanyang tula, sinabi ni Michael V na tanggap niya na ang nanalo ay ang pula at kinikilala niya ang lahat nang bumoto at nagluklok kay BBM sa trono bilang majority o nakararaming boses ng Filipino.
Dito’y may paalala rin siya sa lahat ng kapwa niya Pinoy na kilalanin ang incoming na gobyerno at mag-move on na ang lahat:
Pero hindi ako bulag at dalawa ang mata ko:
Isang mata sa bayan at isang mata sa ‘yo.
Susundin ko ang gobyerno kahit hindi kita ‘binoto.
Sige na, move on na. ‘Wag nang maghanap ng butas.
Ang FB post na ito ni Bitoy ay nakakuha ng 242K na likes, 12K na comments at 43K na shares. Narito ang kabuuan ng kanyang tula:
“MINDSET”
Kulay PULA ang nanalo. Oo, tanggap ko na ito.
Kahit PINK ang dugo ko mananaig ang RESPETO.
Lahat kayo na bumoto at nagluklok sa kanya sa trono
Kayo ang boses ng Pilipino kaya mananahimik na ‘ko.
Hindi politiko kundi hamak na artista.
Larawan at tula; ‘yan lang ang hawak kong sandata.
Wala akong ambisyon na mamulitika.
Baka manalo lang ako, hala, naloko na!
“Comedy at entertainment” hanggang do’n lang ang ambisyon.
Hindi “puwesto sa gobyerno” kundi “time slot sa telebisyon”.
Ito ang mundo ko sa mahigit tatlumpung taon
At wala ‘kong dahilan na baguhin ‘yon ngayon.
Lahat ng may gusto nito, ito mismo ang makukuha n’yo.
Pero hindi ako bulag at dalawa ang mata ko:
Isang mata sa bayan at isang mata sa ‘yo.
Susundin ko ang gobyerno kahit hindi kita ‘binoto.
Sige na, move on na. ‘Wag nang maghanap ng butas.
Ang trabaho n’yong naiwan naghihintay pa rin ‘yan bukas.
Ngayon alam na natin kung sino lang ang malakas,
Mabuhay ang bagong Pangulo ng Pilipinas.