Thursday , December 26 2024
USAPING BAYAN ni Nelson Flores

Parang araw at gabi ang kaibahan

USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

KASAMA raw ang masa ng mga grupong ‘pinklawan’ sa kanilang paglalako sa taongbayan ng kandidatura ng neoliberal na si Leni Robredo at iba pang elitista sa ating lipunan. Pero pinabulaanan ito ng resulta ng nakaraang halalan.

Ang masa ay nagsalita na pero hanggang ngayon ay ayaw pakinggan ng mga elitista, burgis at peti-burgis na ‘pinklawan’ ang tinig ng bayan. Dangan kasi para sa kanila walang karapatan magsalilta ang maliliit, mamili o magpasya. Lahat ng desisyon ng maliliit ay nag-ugat sa kawalan ng alam, kabobohan, kawalang moralidad, at kawalang prinsipyo.

Pansinin na ang social media ay puno ng patutsada ng mga ‘pinklawan’ na ang boto para kay Leni ay prinsipyado, mulat, at laban sa mga kawatan. Kung iintindihin natin ay malinaw na ipinamumukha ng mga pinklawan sa atin na tayong hindi bumoto para sa mga neoliberal ay walang prinsipyo, bulag, maka-magnanakaw kundi man talagang mandarambong at walang paninindigan.

Sa madaling salita tayo ay bobo at walanghiya. Itong mga ‘pinklawan’ ay tunay na mga taong walang mabuting turing sa ating maliliit at ibig maghari sa ating bayan. Sila ba’y papayagan ba natin?

Naalala ko tuloy ang isang tala sa ating kasaysayan. Ang naalala ko ay ‘yung Pulong sa Tejeros o Tejeros Convention noong 1897. Dito ay hinarap ni Supremong Andres Bonifacio, na representante ng taongbayan, ang mga kabig ni Emlio Aguinaldo, na representante ng mga panginoong may lupa at ‘edukado’ sa lipunan.

Sa pulong na ito ay nilait nila ang Supremo dahil sa kawalan umano ng moralidad at kaalaman kaya sa huli ay nag-coup d’etat laban sa kanya at pinatay. Hindi ba’t ganyang-ganyan ang mga elitistang maka-neolibral ng ‘pinklawan’ ngayon sa atin. Gusto ng mga ‘pinklawan’ na ipawalang bisa ang ating tagumpay dahil tayo ay bobo at walang moralidad. Tiyak na magrereklamo ang mga ‘pinklawan’ sa COMELEC at Korte Suprema sa pagtatangka na hindi paupuin sa poder ang tunay na nanalo sa halalan, ang bayan.

Bukod sa pangliliit, tayo ay pilit na binubulag at nililinlang ng mga ‘pinklawan.’ Mula pa noong kampanya ay pinalalabas nila na ang maliliit na tulad natin ay kasangga nila. Pero may isang simple ngunit malinaw na batayan (mula sa marami) na totoong wala sa loob nila ang maliliit na taongbayan… ang lugar kung saan idinaos ang kanilang “miting de avance” at mga artista na kanilang kasama rito.

MAKATI

Sa Ayala, Makati (pugad ng mga oligarkiya, panginoong maylupa, mayayaman at mapang-aping mga korporasyon, lugar ng mga inglesero’t inglesera, ng mga sosi, burgis, at peti-burgis, lugar na malayo sa katotohanang dinaranas nating maliliit) ginawa ng mga ‘pinklawan’ ang kanilang “miting.”  Kaugnay nito, ang kanilang mga artista, bagamat mahuhusay, ay mas kilala bilang artista ng mayayaman, may aral mula sa mga pangunahing unibersidad. ‘Ika nga pang intelektuwal, pang burgis, at peti-burgis.

Tama man o mali, sa optics o itsura ng miting na ito ay hindi maitatawa na pang-mayaman ito dahil mayayaman, ‘edukado,’ burgis at peti-burgis ang sobrang karamihan. Hindi kataka-taka ito dahil ang humawak daw ng kampanya ng mga neoliberal na ‘pinklawan’ ay mula daw sa pamilya ng mga cacique at panginoong maylupa na hanggang sa ngayon ay ayaw raw ipamahagi ang kanilang lupain sa taong bayan sa kabila ng kautusan ng hukuman.

Ang Makati crowd na ‘yan siguro ang sinasabing “masa” ng mga dati kong kasama sa organisadong grupo. Haaayyyyy

PARAÑAQUE

Ngayon ikompara natin kung saan ginawa ang huling pulong at sino ang kasama ng maliliit na mamamayan sa kanilang huling pagtitipon sa panahon ng eleksiyon. 

Sa harap ng isang casino, nagsayawan at naghumiyaw si Juan at Juana dela Cruz sa tuwa sa mga narinig at nakita. Angkop ang lugar na pinagdausan ng huling pulong dahil ang buhay para sa isang mahirap ay parang sugal, parang casino. Hindi natin alam kung tayo ay kakain sa maghapon o hindi. ‘Yan ang masasabing roleta ng kapalaran.

Kaugnay din nito, hindi tulad ng mga elitistang artista, ang kasama natin sa Parañaque ay si Andrew E, isang rapper na malapit sa maliliit dahil bukod sa lenguwahe niya ay patok sa lahat, tulad natin, si Andrew E., ay inakusahan din ng mga burgis at peti-burgis na bastos, walang galang, walang moralidad at higit sa lahat pangit. Ganyang liitin si Andrew, ganyan din tayo laitin ng mga pinklawan.

Hindi ba totoo at parang araw at gabi ang paglalarawang ito? Kayo humusga.

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …