HATAWAN
ni Ed de Leon
TINATANONG din ng isang starlet, “inayawan nila si Chel Diokno at ang choice nila si Robin Padilla? Ano ang gagawin niyan sa senado?”
Ang maganda kay Robin Padilla, hindi iyan isang politiko na nakatali sa partido. Baguhan si Robin at ang maganda sa kanya, inaamin niya ang kanyang limitasyon, kaya tiyak iyan kukuha iyan ng magagaling na consultants na makatutulong niya sa pagbuo ng batas. Ayaw na ng Filipino sa mga politikong ang loyalty ay nasa partido o sa isang pamilya lamang. Hindi ba nga iyan ang nangyari noong nakaraang eleksiyon doon sa Otso Diretso. Ngayon buti nakasingit si Risa Hontiveros, kung hindi flush na naman silang lahat.
Sa galaw ng isipan ng mga Filipino, ayaw na nila roon sa mga nagpalakad ng gobyerno nang 30 taon. Naghahanap na sila ng pagbabago, at dahil walang alternatibo nagbalik sila sa dati. Naghahanap sila ng bago eh, nakita nila si Robin.
Huwag muna ninyong husgahan sa Robin, pero ang pangako niya hindi siya magagaya sa ibang dating senador na nakikitang natutulog lamang sa sesyon ng senado.