SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
APAT na taon ding hindi napanood sa isang teleserye sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Bagamat ginawa nila ang The House Arrest of Us na ipinalabas online noong October 2020 maikokonsiderang pagkatapos ng La Luna Sangre noong 2018 ay ngayon lang uli sila mapapanood sa free tv via 2 Good 2 Be True na mapapanood na simula May 16.
Kaya ang tanong ng marami, bakit nga ba natagalan sa paggawa ng teleserye ang KathNiel?
Sa isinagawang face to face media conference para sa 2 Good 2 Be True sinabi nina Daniel at Kathryn na kinilatis nilang mabuti ang mga iniaalok na script sa kanila. Ayaw din nilang magtrabaho ng bara-bara lalo’t may pandemya pa.
“After The House Arrest 1st season… tumaas ang cases, nahinto ang taping. Nilatagan kami ng script para sa teleserye siyempre kinilatis, binasa namin. Umabot ng tatlo, apat o limang scripts. Noong ipinrisent ang isang Ronaldo Valdez (kasama sa serye) roon na kami nagkatinginan ni Kath. This is the project… it sounds good,” paliwanag ni Daniel.
“Pangalawa ‘yung tono ng seryeng gusto naming gawin… kasi galing na kami sa isang fantaserye-action, ‘Yung ‘La Luna,’ naghahanap kami ng … ano ba iyong…kilala namin ang isa’t isa eh. Sampung taon na rin ang dumaan, ano ba ang gustong mapanood ng tao sa amin ‘di ba? Saan ba kami minamahal ng tao, it’s been four years. Kung babalik man kami ano ba ang dapat naming gawin and this is it,” tugon pa ng aktor.
“Naging mahaba siyang proseso kasi out of other projects na ipinrisent nila, ‘yung mga genra na sinabi ok, maganda pero feeling namin na hindi iyon ang kailangan naming gawin specially during this time,” wika naman ni Kathryn. “So, noong ipinrisent ito, sinabi nila na available si Direk Mae (Cruz Alviar) and ito ‘yung team na magma- manage parang na feel namin we felt right na ito na. I think na-delay (teleserye) pero for the better,” susog pa ng aktres.
Ipinaliwanag pa ni Kathryn na ayaw nilang gumawa ng proyektong hilaw. “‘Yung for the sake na may maiere ka gagawa ka. Eh sobrang hirap ng lock in rules sa mga bubbles specially last year, extra challenge dahil mataas ang Covid cases. Limited ang time and resources mo sa locations and all so we waited lang for the perfect time. So noong medyo lumuwag na last quarter ng last year nag-start na ng look test, nagpadala na ng script and all. At na feel lang namin na the timing is just perfect.
“So I think at the end of the day nangyari ang lahat ng ito in God’s perfect time kasi kung pinilit namin siyang gawin two years ago na kahit na hindi bara-bara pero hindi namin maibibigay ng 100 percent,” dagdag pang paliwanag ng dalaga.
Sinabi pa ni Kathryn na, “with all my heart and lahat ng andito sa stage, sobrang proud lang kami sa project na ito kasi bawat characters dito, ang laki ng mga matututunan ng mga tao. So iyon abangan nila itong 2 Good 2 Be True. This is it! It’s a beautiful project,” pagmamalaki ni Kathryn.
Ukol naman sa pelikula, sinabi ng Kathniel na may mga pinag-uusapan na.
“I-enjoy muna natin itong 2 Good 2 Be True. Let’s just take it easy, ito muna,” giit pa ni Daniel.
Sa kabilang banda, sampung taon na ang tambalan ng KathNiel kaya natanong din sila kung ano nga ba ang sikreto nila na napapanatili ang maganda nilang pagsasama?
“There’s no exact formula talaga na, ‘Okay, if you do this, magiging 10 years din kayo ng love team niyo, ito ‘yung secret,’ but I think, if there’s something na since day one, up until now, 10 years after, it’s respect and teamwork. Iyon ‘yung ginagawa namin ni DJ over the years,” ani Kathryn.
Sumang-ayon naman si Daniel sa tinuran ng dalaga at sinabing, “It’s the same. It’s love and respect and ‘yung support sa isa’t isa. ‘Yung suporta namin sa isa’t isa, sa kahit anong eksena, iyon ‘yung pinaka-importante.”
At bilang selebrasyong nga ng kanilang 10th year sa industriya nang magkasama, muling magbabalik sina Kathryn at Daniel sa 2 Good 2 Be True na mapapanood sa Netflix sa Mayo 13 samantalang sa May 14 naman sa mga iWantTFC at sa May 16 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, Jeepney TV, Cinemo, TFC IPTV, at TV5.
Makakasama nina Kathryn at Daniel sa 2 Good 2 Be True sina Ronaldo Valdez, Irma Adlawan, Gelli de Belen, Smokey Manaloto, Yves Flores, Pamu Pamorada, Cris Villanueva, Romnick Sarmenta, at Gloria Diaz. Idinidirehe ito ni Mae Cruz Alviar.