PROMDI
ni Fernan Angeles
SA ITINATAKBO ng palitan ng patutsada sa hanay ng mga personalidad na isinasangkot sa agri-smuggling, tila malabo pa sa tubig ng mga imburnal ang pangako ng administrasyong tuldukan ang katiwalian sa pamahalaan – partikular sa departamentong mandato’y isulong ang kapakanan mga magbubukid at mangingisdang bahagi ng sektor ng agrikultura.
Paandar ni Agriculture Secretary William Dar, nagpatawag na siya ng malalimang imbestigasyon sa hangaring tukuyin at panagutin ang mga pinaniniwalaang tiwali sa kanyang pinamumunuang kagawaran.
Tama! Siya nga ang namumuno kaya naman responsibilidad niya ang bawat bulilyasong nagaganap sa kagawaran. Sa ilalim ng doktrinang “command responsibility,” obligasyon ng Kalihim na akuin ang responsibilidad sa anomang tinatamasang papuri o patutsada.
Subalit taliwas sa inaasahan sa isang responsableng opisyal sa pamahalaan, pinili ni Dar na ibunton ang sisi sa isang dating Kalihim, na agad na tumigil sa pangangampanya para lang sagutin ang bawat paratang na ipinukol sa kanya ng nakaupong Kalihim.
Sa isang banda, tama rin naman ang ginawa ni former Agriculture Secretary Manny Piñol. Nalinawan ang matabang na pag-unawa ng publiko sa mga umiiral na reglamentong kalakip ng binabateryang agri-smuggling sa bansa.
Sa kainitan ng kontrobersiya, sinisi kasi ni Dar si Piñol (isang dating peryodistang pumalaot sa politika), na umano’y nagpasimula ng pag-iisyu ng import permits sa mga produktong agrikultura, pero hindi niya sinabi sa kanyang mga pahayag na matagal ng paso at wala ng bisa ang inisyung import permit ni Piñol tatlong taon na ang nakakaraan.
Sa madaling salita, ang lahat ng import clearances na lumabas nitong nakalipas na taon ay pawang sa ilalim ng termino ng nakaupong Sekretaryo. E sino nga ba ang lumagda sa mga import permits nitong nakaraang tatlong taon? Si Piñol ba?
Ang totoo, higit pa sa usaping import permits ang dapat sagutin ni Sec. Dar na tatlong taon nang nagsasabing lilinisin niya ang DA. Nakalulungkot isiping sa loob ng mahabang panahon, tila wala maski isang tiwali ang nahubaran sa kanyang departamento.
Ang masaklap, sa termino rin ni Dar nagawang bumalik ng mga kompanyang blacklisted bunsod ng kabi-kabilang kabalbalang ikinukubli sa mga inaangkat na agricultural products. Sa madaling salita, pasok ang mga agri-smugglers sa nasabing kagawaran!
But wait, there’s more. Totoo nga kaya ang paratang ni Piñol na si Dar ang naging daan para mahirang bilang Undersecretary ng naturang departamento ang consultant ng mga agri-smugglers?
Bukas ang PROMDI sa paglilinaw, reklamo, sumbong at suhestiyon. Maaaring lumiham sa email address na ito — [email protected].