HATAWAN
ni Ed de Leon
NOON hindi kami makapag-comment kapag may nagtatanong sa amin tungkol sa acting ni Marco Gumabao. Ang totoo, wala pa kaming napapanood na buong pelikula ni Marco noon. Kung manood kasi kami minsan pasilip-silip lang. Siguro nga hindi rin kami masyadong naging interesado sa mga pelikula niya noon.
Noong isang araw, na-curious lang kami nang sabihin sa amin ni Eugene Asis na gusto niyang mapanood ang pelikula, kaya nakumbinsi na rin kaming sumama sa preview niyong pelikulang Rooftop.
Tungkol iyon sa mga estudyante na nag-happy-happy sa rooftop ng kanilang eskuwelahan kahit na bawal. Kinasabwat nila ang mga katiwala para payagan sila. Si Marco ang leader ng mga estudyante. Obvious na siya rin ang maraming pera. Sa sayawan, nagselos si Marco sa pagsasayaw ng syota niyang si Ryza Cenon kapartner si Epy Quizon. Sa katuwaan naitulak niya si Epy, kaya nahulog sa rooftop at namatay. May isang naging witness, si Allan Paule. Ginawan din ng paraan ni Marco na malasing iyon, mapabalik niya sa rooftop at maitulak din at namatay. Wala na nga namang witness, pero inusig sila ng sarili nilang konsensiya, tila binabalikan sila ni Epy hanggang sila ay mahulog din at mamatay na lahat.
Iyong hitsura ni Marco, pang-lover boy eh. Matinee idol ang dating, at hindi mo maiisip na magagampanan niya nang mahusay ang role ng isang mamamatay tao. Matatangay ka ng kanyang facial expression lalo na nang nagsinungaling siya tungkol sa dalawang napatay niya, na sinasabi niyang “may relasyon.” Malaking challenge iyon, kasi kung minsan, basta ang tingin ng tao sa isang matinee idol ay hindi dapat gumawa nang mali, unless napakagaling ng actor na magagampanan niya iyon nang husto. Ginawa iyan ni Aga Muhlach sa NUUK.
Ginawa rin ni Gabby Concepcion iyan sa Sinungaling Mong Puso. Pero bihira iyong mga actor na nakagagawa nang ganyan at nagawa iyon ni Marco sa Rooftop.
Siguro nga dahil horror iyan, walang eksenang nagpa-sexy si Marco kagaya sa iba niyang pelikula, pero riyan naman napatunayan niyang kahit na walang ganoon kaya niyang magdala ng pelikula. Kahapon nagsimula ang theatrical exhibiton ng pelikula, sana naman tangkilikin iyan ng mga fan sa sinehan.