HATAWAN
ni Ed de Leon
MAAARING sa karaniwang tao ay hindi iyon mapansin. Pero siguro dahil sa aming circle of friends at sa mundong ginagalawan namin, wala na kaming nakita sa araw-araw kundi ang ginagawang pag-eendoso ng mga artista sa mga kandidato. Sinasabi nila, sila kasi ay volunteer. Siguro nga may ibang volunteer pero hindi lahat iyon paniniwalaan naming volunteer. May bayad iyan. Iyon nga lang hindi inaamin ng tumatanggap ng bayad para hindi na niya ibayad ng tax.
Hindi rin naman inaamin ng politikong nagbayad, dahil tiyak na nilabag na niya ang limit sa election expenditure na itinakda ng batas. Kung sasabihin ninyong lahat iyan ay volunteer, kuwentong “majoha” lang iyan. Walang maniniwala riyan. Kung iyong pagsa-sagala sa Santacruzan naniningil sila, sa kampanya pa hindi? Pero huwag na nating pakialaman kung kumikita man sila o hindi. Kanya-kanyang raket lang iyan.
Ang tanong, nakatutulong ba talaga ang mga endorsement ng artista sa mga kandidato?
Si dating presidente Gloria Macapagal Arroyo, sinasabing nanalong senador dahil sa gimmick na look alike siya ni Nora Aunor. Pero noong tumakbo siyang presidente at kalaban na niya si FPJ, hindi na uubra si Nora kahit na inamin pa niya ang kanyang naging relasyon at sinasabing sinasaktan siya ni Erap. Ang nagpanalo kay GMA ay ang kanyang political machinery na naging effective, kabilang na iyong “noted, noted.”
Si dating senador Manny Villar ay ikinampanya ng kanyang kaibigang si Willie Revillame, at ng hari ng comedy na si Mang Dolphy, pero hindi nakalusot si Villar.
Si Mar Roxas ay ikinampanya ng KathNiel. Hindi sila tumanggap ng trabaho, pelikula man o serye, para maikampanya si Roxas, pero natalo rin. Ang daming artistang nakasuporta kay Roxas pati na sina Dingdong Dantes at Ogie Alcasid, na nanungkulang mga commissioner noong panahon ni PNoy, pero sinayawan lang sila ni Mocha Uson, nalaos sila. Nanalo si Rodrigo Duterte.
Kaya hindi kami naniniwala na ganoon kalakas ang impluwensiya ng mga artista sa eleksiyon. Makatatawag sila ng tao, para makinig naman sa sasabihin ng mga politiko, pero iyang mga artista na ang nagsasalita para sa politiko, wala iyan. Mali iyan.