HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGPADALA ng ayuda si Angel Locsin sa mga biktima ng bagyong Agaton sa Leyte. Ewan kung paano niya ipinaabot iyon doon, pero nagkaroon ng political color ang kanyang pagtulong dahil diretsahan naman siyang nangangampanya ngayon para sa isang kandidato. Hindi gaya noong araw na nagbibigay man siya ng tulong dumadaan naman iyon sa Red Cross na volunteer siya noon pa man. Walang anumang kulay ng politika iyon.
Pero sabi nga ng ilang observers, hindi mo masisisi si Angel dahil baka nadesmaya rin siya sa ginagawa niyang pagtulong noong araw. Naging masigasig siya noong panahong nagsisimula pa lang ang pandemya ng Covid. Ang dami niyang naipatayong tent na naging quarantine facility ng mga ospital, pahingahan ng mga frontliner, at silungan ng mga pulis at militar na nasa mga checkpoint, bukod pa sa mga pagkaing kanyang ipinadadala. Sa kabila ng ginagawa niya ni-red tag pa siya at pinagbintangang subersibo raw dahil ang kapatid niya ay NPA. Wala rin namang nangyari sa red tagging dahil wala naman silang napatunayang illegal na ginagawa ni Angel, pero halata mong nadesmaya siya dahil magmula noon, kontrolado na ang kanyang kilos at kung tumulong man personal na lang niyang ginagawa. Iyon nga
lang, ngayon ay may political color na.
Pero ano man ang sabihin ninyo, ang ibinibigay niyang ayuda ay ayuda pa rin. Hindi naman sinabing pinipili niya ang binibigyan ng ayuda. Hindi rin naman sinasabing may hinihingi siyang kapalit na boto sa ipinamimigay niyang ayuda. Kaya lagyan man iyon ng political color ng iba, hindi naman yata tama.
Hindi lang naman ngayon iyan ginawa ni Angel. Noon pa man tumutulong na siya, at wala namang kinalaman iyon kung may kaanak pa siyang kandidato. Hindi naman nakikialam ang mga kaanak niya sa kanya. Hindi rin naman ang kaanak niya ang talagang ineendoso niya. Maaaring ang political endorsement ni Angel ay dahil pa nga sa impluwensiya ng ABS-CBN, dahil kita rin naman kung saan sila kumikiling at kung ano naman ang dahilan.
Siguro nga hanggang hindi natatapos ang eleksiyon, mananatiling ganyan iyan. Pero hindi bale, tutal ilang araw na lang naman ang natitira.