MATABIL
ni John Fontanilla
MAY kanya-kanya nang bet ang mahihilig sa beauty contest habang papalapit na ang coronation night ng Miss Universe Philippines 2022 sa April 30 sa Mall of Asia. Isa sa front runner ang pambato ng Taguig na si Ma. Katrina Llegado na naging 5th placer sa Reina Hespano Americana noong 2019.
Sa ganda, tindig, magandang kurba ng katawan at husay sumagot, tiyak may tulog ang iba pang makatutunggali ni Kat sa korona ng Miss Universe Philippines.
Sinasabing sobrang pinaghandaan ni Katrina ang paglaban sa MUP. Determinado kasing maiuwi ng aktres din ang Miss Universe Philippines crown at maging representative ng Pilipinas sa Miss Universe 2022.
Ilan sa magiging mahigpit na kalaban ni Kat ang aktres at dating Miss World Philiplines at representative ng Makati na si Michelle Dee, ang nagbabalik na si Pauline Amelinx ng Bohol, at dating Miss Earth na si Celeste Cortesi ng Pasay.