RATED R
ni Rommel Gonzales
TULOY na muli ang shooting ni Andrea Torres para sa kanyang international movie na Pasional.
Lumipad patungong Naga City ang Kapuso actress at mula roon ay tutungo naman siya sa Caramoan para roon kunan ang ilang eksena sa pelikula.
Ang Pasional ay may mga eksenang kukunan sa Pilipjnas at sa bansang Argentina.
Kamakailan ay personal na ini-welcome ni Andrea ang kanyang Pasional co-star na si Marcelo Melingo pati na rin ang buong production team ng pelikula nang dumating ang mga ito sa Pilipinas.
Nitong nakaraang 2021, si Andrea ang nagtungo sa Argentina at namalagi roon ng dalawang linggo upang kunan ang ilang eksena.
Gaganap si Andrea bilang si Mahalia, isang tango dancer at jury member para sa International Tango Dance Festival samantalang si Marcelo naman ay gaganap sa papel ng isang biologist.
Ang pelikula ay co-production ng Malevo Films at GMA Network.