Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Himalang hanap ng desperadong trapo

PROMDI
ni Fernan Angeles

SA TATLONG linggong nalalabi sa panahon ng kampanya, batid na ng mga kandidato ang kanilang kalalagyan pagsapit ng takdang araw ng halalan sa Mayo. Kapado na kung sino ang liyamado at mga kailangang magdasal para sa isang milagro. Pero sa ikalimang distrito ng Quezon City, sadyang kakaiba ang estilo ng mag-utol na politiko. Dangan naman kasi, lahat pinagdidiskitahan na tila ba isang huramentado. Batay sa pinakahuling political survey sa nasabing distrito, lumalabas na dehado ang kapatid ng nakaupong kongresista. Kaya naman ang kanilang taktika, umaatikabong kasinungalingan sa social media. Sa kanilang pinakahuling gimik, binira ang isang programa kasabay ng paratang ng vote-buying sa kalaban sa politika. Ang siste, sablay pala ang patutsada – kasi naman hindi nga pala botante ang mga batang benepisaryo ng naturang programa. Partikular na pinuntirya nina incumbent Rep. Alfred Vargas at kapatid nitong si Quezon City Councilor Patrick Michael Vargas ang scholarship program para sa mga batang maralita, palibhasa nasapawan sila ng isang bagito sa politika. Ang totoo, puwede namang ang nakaupong kongresistang si Vargas ang dinumog ng mga estudyanteng maralita kung mayroon ganoong klaseng programa. Kaso nga lang, wala naman. Ang alam kong meron sila, kasong isinampa ng hindi bababa sa 500 pamilyang nadorobo sa pekeng pabahay sa mga bakanteng lote ng Buenamar Subd., Barangay Novaliches Proper at maging sa Palmera Homes, Barangay Sta. Monica sa District 5, Quezon City. Hindi ako abogado at sa aking sapantaha, hindi kailangan maging abogado para maunawaan ang walang sustansiyang pagbubunganga ng sumisibol sa dinastiya sa ikalimang distrito. Sa kalatas ni Atty. Manuel Jeffrey David – isa sa mga tagapagtaguyod ng nasabing programa — karamihan aniya sa mga personal na nagpalista sa hangaring makapag-aral nang libre sa ilalim ng scholarship program ni Rose Lin (mas kilala sa tawag na Ate Rose sa nasabing distrito) ay mga batang edad 17 anyos pababa. Nasaan ang vote-buying sa programang puro bata ang nagpalista? Paano sasabihing binibili ang boto ng mga batang ‘di pa naman pinahihintulutang lumahok sa halalan? Bakit programa ang binabaterya? Bakit hindi nila kasuhan ‘yung mga inaakusahan nilang nagbenta ng boto? Isa lang ang malinaw – paandar na kalakip ng maruming pamomolitika ang kanilang patutsada – walang sustansiya pero mapamuksa lalo pa’t kinabukasan ng mga bata ang kanilang inaasinta. Hindi botante ang mga bata at walang politikong nasa tamang katinuan ang bibili ng boto ng mga batang hindi pa naman puwedeng bumoto sa nalalapit na halalan sa Mayo. Ang tanong – nasa katinuan ba ang epal na kongresista at ang utol niyang sunud-sunuran lang sa kanya? Parehong utak ipis!

About Fernan Angeles