HATAWAN
ni Ed de Leon
MAKAHIHINGA na nga nang maluwag ngayon si Tony Labrusca dahil nalusutan na niya ang kanyang huling kaso sa korte. Suwerte naman iyang si Labrusca, lagi siyang nakalulusot. Mahusay ang nakukuha niyang abogado. Iyong una niyang kaso noon sinigawan niya ang isang immigrations officer, samantalang tama naman ang ginagawa niyon dahil siya ay isang US citizen. Ayon sa batas, makakapanatili lang siya nang matagal sa Pilipinas kung kasama niyang darating sa bansa ang isa man lang sa kanyang mga magulang na Filipino.
Iginigiit naman niyang siya ay artista, nagpunta siya rito para magtrabaho at sa nakaraang pagkakataon ay pinayagan siya ng immigrations na manatili nang matagal. Hindi niya sinabing noong panahong iyon ay kasama niya ang ermat niya na isang Pinay. Nalusutan niya iyon.
Ngayon naman idinemanda siya dahil sa pambabastos daw isang babae sa isang party. Sinasabing lasing si Labrusca noon. Aba isipin ninyong malusutan din niya iyon. Technicality ang dahilan, kaya kahit na nakakita ang piskalya ng sapat na ebidensiya, lumalabas na isinampa ng complainant ang kaso nang lagpas na sa prescribed period,
nakalibre na naman si Labrusca.
Talagang suwerte-suwerte lang iyan, pero dapat mag-ingat na siya dahil hindi niya masasabing hindi na mauubos ang suwerte niya.