HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG araw, natatandaan namin, inaabangan namin ang mga palabas sa telebisyon kung panahon ng mahal na araw. Iyong mga TV station noon, gumagawa talaga ng mga palabas na pang mahal na araw. Isa sa natatandaan namin hanggang ngayon ay iyong version nila ng kuwentong Marcelino Pan Y Vino, na ang bida ay ang bata pa noong si Romnick Sarmenta.
May gumawa rin noon ng buhay ni Lorenzo Ruiz na ang bida ay si Matt Ranillo. Bukod doon, maraming mga pelikulang magaganda. May magandang pelikula noon si Amalia Fuentes na gumanap na Sta.Teresa de Avila. Iyang mga ganyang pelikula ay nakatutulong sa pagninilay ng mga mananampalataya kung mahal na araw.
Ngayon ang karaniwang inilalabas ay mga travelogue na ang gumagawa ay news and public affairs, kasi mas murang gawin iyon kaysa mga religious drama.
Wala na ring gumagawa ngayon ng mga pelikula tungkol sa mga santo, ang inilalabas nga nilang mga pelikula sa internet streaming kahit na mahal na araw ay mga mahahalay na indie.
Iyon ang dahilan kung bakit ang mga tao ay namamasyal na lamang sa mga simbahan at hindi na nanonood ng telebisyon. Wala kang makita sa TV at sa internet naman kahit na panahon ng mahal na araw, ang palabas ay mga kahalayan
Palagay namin dapat mag-isip naman sila na sa susunod, ibalik na nila iyong dati na gumagawa sila ng mga makatuturang panoorin sa telebisyon sa panahon ng mga mahal na araw. O kaya hanapin nila ang mga nagawa nang palabas na iyon. Kaya nga lang ang maraming nagawang ganoon noong araw ay ang RPN 9, eh simula nang i-sequester iyon ng Cory Aquino government nagkawasak-wasak na pati nga siguro video catalogue eh nasira na. Isipin ninyo napabayaan ang RPN 9 na pati studio niyon tumutulo ang bubong kung umuulan, at iyon ang number one station noong araw bago nila sinequester.
Ganoon lang talaga ang buhay, ang kasabihan weather weather lang, kaya dapat na lang natin tandaan ang panahon na ang naranasan natin ay bad weather.