HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG buong akala namin ay ayos na ang lahat kay John Lloyd Cruz. Ang akala namin ay talagang GMA 7 artist na siya, pero iyon pala ay hindi pa. Sinasabi ng kanyang management company na maaari pa rin siyang gumawa ng content para sa ABS-CBN, o sa TV 5, o kahit na kaninong magiging interesado sa kanya at makapag-aalok naman ng isang magandang proyekto. Ang sabi nila, mananatiling freelancer si John Lloyd.
May mga malisyoso naman ang isip na sinasabing kaya ganyan ay dahil kinuha nga ng GMA si John Lloyd, pero hindi naman nagbigay ng offer sa kanyang manager na si Maja Salvador na noong panahong iyon ay nakabitin din ang career nang mawala ang Sunday show nila sa TV5. Ewan naman kung bakit ang ibang nakumbisi ni direk Johnny Manahan noon na lumipat sa TV5 ay kinuhang muli ng ABS-CBN, kagaya nga ni Piolo Pascual, pero hindi rin nila binawi si Maja. Ngayon si Maja ay resident artist na ng TV5.
Mabalik naman tayo kay John Lloyd, kung ganyan ang sitwasyon sino nga kaya ang magbubuhos ng capital kay John Lloyd, kung hindi ka siguradong mababawi ang puhunan mo dahil maaari siyang lumipat sa iba pagkatapos mong mamuhunan? Iyon ang sinasabing karaniwang dahilan ngayon kung bakit ang mga film producer, at maging ang mga network ay hindi na nagbi-build up ng mga artista kagaya ng ginagawa nila noong araw. Ang sinasabi nila, kung nakapaglabas ka na nang puhunan at sumikat na, “hindi mo na alam kung saan dadalhin iyan ng managers.” Hindi ba ganoon din ang sama ng loob ng ABS-CBN sa mga artistang pinuhunanan nila at pagkatapos ay lumipat sa iba nang magkaroon ng pagkakataon?
Natural iyon, alam din naman kasi ng mga artista na ang kanilang career ay hindi habang panahon, kaya kung saan sila kikita nang mas malaki, at kung saan may pagkakataon, doon na sila. Bukod pa nga sa sinasabing, “the grass is always greener in the neighbor’s pasture.”
Kahit na anong galing at anong lakas ng batak ni John Lloyd, kung ganyan palang walang kasiguruhan ang sitwasyon, susugalan kaya siya nang todo ng GMA?
Iyan ang problema ngayon ng mga artista at mga producer. Gusto siyempre ng mga producer na makabawi at tumubo pa. Iyong mga artista naman, kung saan sila mas magiging ok at kikita nang mas maganda, roon na sila.