ODIONGAN, Romblon — Tiniyak ni presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson na madaragdagan pa ang mga impraestruktura para sa pagpapalakas ng paggamit ng renewable energy upang magkaroon ng sapat na supply ng koryente ang malalayong lalawigan at isla sa bansa.
Inihayag ito ni Lacson sa kanyang pagbisita nitong Lunes (4 Abril) sa bayang ito, kausap ang ilang mga mamamahayag at ipinaalam sa kanya ang problemang nararanasan nila sa koryente sa isla ng Tablas.
Matagal nang isinusulong ni Lacson na gamitin ang potensiyal ng solar energy o enerhiyang likha mula sa sikat ng araw at biomass mula sa mga natural na organismo bilang alternatibong solusyon para tugunan ang pangangailangan sa supply ng koryente.
Plano niyang maisagawa ito sa pamamagitan ng pamumuhunan sa sektor ng research and development ng bansa na isa sa mga pangunahing prayoridad niya sakaling magwagi bilang ika-17 pangulo ng Republika.
“Kung bubuhusan natin ‘yung research and development like (the) other countries, ‘yung mga scientist natin, mga researcher will not get out of the country, maha-harness nila itong mga ganito, ‘yung solar (power),” ani Lacson.
Determinado si Lacson na ipatupad ang mga alternatibong pagkukuhaan ng koryente, alinsunod na rin sa Batas Republika 9513 o Renewable Energy Act of 2008 na ipinasa noong ika-14 Kongreso para isulong, paunlarin, at gamitin ng publiko ang malinis na enerhiya.
“Meron na tayong Renewable Energy Act. Naipasa na ito. So, kung ganyan… Ang daming incentives doon. Libreng VAT (value added tax) ‘yung mga mag-i-invest sa renewable (energy),” ayon sa senador at kandidato sa pagkapangulo.
Ayon sa mga kasalukuyang batas, ang pagbebenta ng koryente mula sa renewable energy ay zero-rated o nangangahulugan ito na walang VAT ang dapat na ipasa sa mga consumer. Ipinasa ito para maengganyo ang mga mamumuhunan na magtayo ng mga proyekto sa renewable energy.
Base sa mga datos na nakalap ni Lacson, nasa 57 porsiyento ng pangkalahatang koryente ng Filipinas ay nagmumula sa mga coal-fired power plant. Ito ay ayon sa inilabas na ulat ng Department of Energy (DOE) noong 2020.
Sa ganitong sistema, madalas na napapamahal pa umano ang bansa dahil halos 65 porsiyento ng ginagamit na coal ay inaangkat sa ibang bansa. Mungkahi ni Lacson, mas magiging epektibo umano kung lilikha tayo ng koryente mula sa sikat ng araw, lalo na kung panahon ng tag-init.
Layunin din ni Lacson na gamitin ang biomass energy, lalo pa’t lumalabas sa ilang mga pag-aaral na ang Filipinas ay sagana sa supply nito mula sa mga agrikultural na produkto at iba pang organikong basura na maaaring gawing koryente sa pamamagitan ng teknolohiya. (NIÑO ACLAN)