HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPAKABILIS talaga ng panahon, iisipin mo bang 26 years old na pala si Ryan Christian Recto ngayon. Eh parang kailan lang iyong nagpapaalam si Ate Vi (Congw. Vilma Santos) sa kanyang show, iyong Vilma dahil pinayuhan siya ng mga doctor niyang iwasan muna ang mabibigat na trabaho at pagsasayaw kung gusto pa niyang magka- anak.
May mga nagsasabi noon kay Ate Vi na bakit nga ba iiwan niya ang kanyang career sa ganoong panahon na siya ang top rater at highest paid television star. Bakit pa nga naman eh may anak na naman siya. Pero alam naman ni Ate Vi na siyempre umaasa si Sen. Ralph Recto na magkakaroon naman sila ng sarili nilang anak kahit na isa. Naging dahilan iyon ng malaking kalungkutan para sa staff ng show ganoon din sa fans. Pero noong magbuntis na si Ate Vi lahat naman sila ay excited. Noong ipanganak si Ryan Christian ang mga fan ay may nabuo nang mga pangarap para sa kanya.
Habang lumalaki si Ryan, kahit na wala naman siyang masyadong public activity dahil nag-aaral pa nga, aba eh may sarili na rin siyang fans. Pero noong kanyang birthday noong isang araw, simple lang. Wala siyang party, silang pamilya lamang ang nag-celebrate, kasi nga umiiwas pa rin sila sa maraming tao dahil alam naman nila na may Covid pa, at si Ate Vi ay vulnerable nga sa sakit na iyan. Ngayon nga lang siya lumalabas unti-unti eh baka madale pa.
“Si Ryan naman napaka-private person din ng batang iyan. Gusto rin talaga niya iyong tahimik lang. May mga kaibigan din naman siyang dumating, pero iyang batang iyan mas at home sa pamilya talaga. Kung walang pasok iyan, nasa bahay lang talaga kahit na noon pa.
“Pero nakatutuwa, he is growing up to be a fine man. Ako inaamin ko, noong 26 ako hindi pa ako ganyan ka responsible. Hindi pa ganyan ang takbo ng isip ko. Kasi naman showbiz ang nakagisnan ko. Eh siya sa simula pa lang ang nakagisnan niya sa amin ni Ralph puro pag-aaral sa trabaho namin kaya naman ganoon din siya talaga. Bata pa naman siya eh, pero siguro papasok iyan sa corporate world, doon siya magaling eh. Ang dami ring humihimok na pasukin niya ang politika, lalo na sa Batangas pero sinasabi nga namin ni Ralph, masyado pa siyang bata. Gusto rin naming mabigyan siya ng chance na pumili ng career na gusto niya,” sabi ni Ate Vi.