“IPAPUPUTOL ko ang notes ko.” Ito ang hamon ni Ogie Diaz nang mag-trending ang sinabi ni Elizabeth Oropesa na ipapuputol niya ang kanyang dalawang paa kapag napatunayang hindi totoo ang kanyang sinasabi.
Sinabi ni Oro na “hindi bayaran” ang mga artistang sumusuporta sa presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. gayundin sa running mate nitong si Sara Duterte kaya naman handa niyang ipaputol ang kanyang dalawang paa kapag napatunayan na hindi totoo ang kanyang sinasabi.
Rito na sumagot si Ogie sa pagbabahagi ng artcard ni Oropesa mula sa isang network sa kanyang Facebookaccount.
Ani Ogie, “Sige po, pakigalaw na po ang itak. Pero since kayo yung accuser, patunayan nyo. Aware naman kayo na uso ang resibo ngayon, maglabas kayo ng ebidensiya.
“Elizabeth Oropesa ka, hindi ka si Marites.”
Tinalakay din ito ni Ogie sa kanyang Ogie Diaz Showbiz Update na kasama niya sina Mama Loi at Dyosa Pockoh.
“Ako po, tumitindig. Ni singkong duling, wala po kaming tinanggap. Wala rin pong inalok dahil kami po ang unang nagpresinta sa sarili namin sa team ni VP Leni para mag-host,” giit ni Ogie na sumusuporta sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo sa pagkapangulo.
“Sampu ng iba pang artista, lahat ‘yun voluntary. Wala pong tinapik doon na ‘Pwede ba kayo?’… Kaya nga po iba-iba ang nakikita n’yo kasi ini-schedule, mabigyan ng pagkakataon,” sagot naman ni Mama Loi.
“Kaya naman ako, noong sinabi n’yang ipapaputol n’ya ang dalawa niyang paa kung may mapatunayan na may binabayaran sa kanyang kampo, sa amin mas pinatutunayan niya na mayroong binayaran,” sabi pa ni Papa Ogs.
“Kapag pinaputol n’ya yung dalawa niyang paa, ipapaputol ko ang notes ko,” matapang na hamon ni Ogie.
Sinabi rin ni Ogie na ‘wag maging eksaherada at kung may gustong panindigan ay panindigan na lamang. “Pero ‘yung para i-discredit ‘yung ibang tao dahil lang sa may ibang tao kang sinusuportahan, huwag,” sambit pa ng manager ni Liza Soberano.
Sa huli ipinaliwanag ni Ogie na hindi siya galit kay La Oro ngunit hindi lang tama para sa kanya ang ginawa nitong komento.
(Maricris Nicasio)