DINAMPOT ng mga tauhan ng pulisya at miIitar nitong Martes, 29 Marso, ang lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa isla ng Panay na sinampahan ng kasong murder at attempted murder kaugnay sa pananambang ng mga hinihinalang komunistang rebelde sa mga sundalo noong 2020.
Dinakip si Elmer Forro, secretary general ng Bayan sa Panay, kahapon ng madaling araw sa isang bahay sa Brgy. Lutac, bayan ng Cabatuan, lalawigan ng Iloilo, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 5 Marso 2021 ni Presiding Judge Gemalyn Faunillo-Tarol ng Regional Trial Court (RTC) Branch 76 ng Janiuay, Iloilo.
Walang itinakdang piyansa sa kasong murder ang hukuman samantala P120,000 ang inirekomendang piyansa para sa kasong attempted murder.
Sa kanilang pahayag, inilarawan ng Western Visayas PNP si Forro bilang “aktibong miyembro ng Communist Terrorist Group na kumikilos sa central Panay” at dating Bayan-Panay secretary-general.
Kasamang sinampahan ng kaso ni Forro sina Carl Teodosio, hinihinalang lider ng NPA; isang alyas Mara, at isang hindi kilalang suspek.
Ayon sa pulisya, kabilang ang mga inaakusahan sa mga rebeldeng NPA sa ilalim ng Central Front of the Communist Party of the Philippines sa Panay na nasa likod ng pananambang sa tropa ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. Panuran, Lambunao, noong 7 Abril 2020, na ikinamatay ng radio operator na si Pfc. Mark Nemis.
Samantala, naglabas ng sinumpaang salaysay si Cpl. Christopher Llono, isa sa mga sundalo sa enkuwentro, na nakita niya si Forro kasama ng mga umaatras na rebelde.