MAAARING sampahan ng paglabag sa Anti-Money Laundering law si presidential bet Ferdinand Marcos, Jr., bilang co-administrator ng mga kayamanang naiwan ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr.
Inihayag ito ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Commissioner Ruben Carranza sa panayam sa The Source sa CNN Philippines kahapon.
Ipinaliwanag ni Carranza, marami pang nakaw na yaman ang pamilya Marcos na hindi pa nababawi ng pamahalaan at may malaking papel si Marcos, Jr., rito dahil alam niya kung ano ang mga ito at batid niyang nakamit ito sa ilegal na pamamaraan.
“Marcos Jr., is the co-administrator of the estate of his father, together with his mother (Imelda) and he has been hiding these assets,” ani Carranza.
Dapat aniyang maging hiwalay na basehan ito para sa isang kasong kriminal na money laundering na puwedeng isampa laban kay Marcos, Jr.
Tinukoy ni Carranza ang desisyon ng Korte Suprema noong 2003 na nagsasaad na ang kayamanan ng mag-asawang Marcos (Ferdinand at Imelda) na labis sa legal nilang kinitang US$304,000 o katumbas ngayon ay P15 milyon, ay maituturing na ill-gotten o ninakaw.
“The filing of an anti-money laundering complaint must be based on what is called a predicate offense –an offense in which you acquired assets that are ill-gotten that you tried to launder,” aniya.
“Lalabhan mo ‘yan para maging malinis at maitago mo ang kanyang maruming pinanggalingan. The predicate offense in this case is corruption, the predicate offense is hoarding and hiding ill-gotten wealth which is a finding that was already deemed final and executory from 2003,” ani Carranza.
Anoman aniyang pagtatangka ni Marcos, Jr., para itago ang assets ng kanyang ama na bahagi ng nakaw na yaman ay puwedeng habulin nang kusa (motu proprio) ng Anti-Money Laundering Council o maaaring magsampa ng kaso ang sinoman sa AMLC upang maimbestigahan ang presidential bet sa kasong money laundering.
Binigyan diin ni Carranza na walang puwedeng idahilan ang pamilya Marcos para hindi bayaran ang utang na P203-bilyong estate tax dahil noon pang 1997 final and executory ang desisyon ng Korte Suprema taliwas sa pahayag ng kampo ni Marcos, Jr., na nakabinbin pa ito sa hukuman.
Kailangan aniyang igiit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang paniningil sa mga Marcos at humiling sa mga banko ng mga detalye kaugnay ng kanilang yaman dahil batay sa Internal Revenue Code, hindi saklaw ng Bank Secrecy Law ang usapin ng pagkakautang sa estate taxes. (ROSE NOVENARIO)