Sunday , December 22 2024

May pakana ng gulo

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

GABI ng Marso 12, 2022 nang nabalita na isang Chinese national ang namaril, na ikinasawi ng isang security guard habang dalawang iba pa ang nasugatan sa Mulberry Place condominium sa Acacia Estates sa Barangay Bambang, Taguig City.

Kinilala ni Brigadier General Jimili Macaraeg, Southern Police District director, ang suspek na si Tan Xing, 22, residente sa isang condominium sa Pasay City. Kaagad nag-utos ng manhunt si NCRPO Director Major Gen. Felipe Natividad dahil hindi lamang basta pinagbabaril at napatay ni Tan ang tatlong tao, kundi tinangay din ang isang gray na Honda City (DR-2911) na ginamit sa pagtakas.

Sa malas, walang bagong report mula sa Philippine National Police (PNP) simula noong Marso 14. Hindi natunton ang kotseng Honda; walang update kung anong klase ang baril na ginamit sa krimen o kung paanong nagkaroon ng armas na iyon si Tan; at walang suspek na inaresto.

Sobrang nakadedesmaya na mistulang umasa na lang ang pulisya sa posibilidad na – marahil o baka sakali – mayroong nakakilala sa suspek at nagkataong nakakita sa kanya o namataan ang tinangay niyang sasakyan ‘tsaka makikipag-ugnayan sa Taguig City Police sa contact number 8642-2062.

Kung ganito ang siste, ang imbestigasyon ay walang ipinagkaiba sa pagkamatay ng kaawa-awang biktimang si SG Joel Pacana ng Alcatraz Security Agency o ang kawalan ngayon ng kakayahan ng dalawa pang guwardiya – sina Noriel Pojas at Hermoso Cordero – na mabuti na lamang at nakaligtas matapos masugatan sa mga tama ng bala.

At tunay na kaawa-awa ito, dahil paanong mabablanko ang imbestigasyon ng SPD gayong may record na ang suspek na si Tan – na napaulat na Tan Zhenan ang isa pang gamit na pangalan at dati nang naaresto at nakulong sa Parañaque City noong Enero? Sa katunayan, ilang araw pa lang siyang nakalalaya nang mamaril siya sa Mulberry Place at may mug shot niya ang SPD.

Dapat ay nakita ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na may malalaking katanungang dapat sagutin ang kanyang mga tauhan, gaya ng: Totoo bang may mga ilegal na drogang natagpuan sa condo unit sa Mulberry Place na binisita ni Tan? Iyon ba ang pinag-ugatan ng komosyon na kinasangkutan niya at ng tatlo pang lalaking kapwa niya Chinese na mga kapitbahay niya?

Ang Chinese mainlander na ito ay armado at delikado – isang mamamatay-tao sa paningin ng maraming nakapanood sa CCTV footage ng pag-atake niya sa tatlong security guards na Filipino. Pupuwede ba nating ipalagay, sa pamamagitan ng kuropsiyon o iba pang paraan, ang mga dayuhang tulad niya ay nakalulusot sa PNP sa pagkakaroon ng license to own and possess a firearm (LTOPF) kahit pa malinaw na ilegal ito?

Labis na ngang nakagagalit ang mga kuwento-kuwento na ang mga Chinese nationals daw na ito – karamihan sa kanila ay POGO investors – ay malayang nakagagala sa Metro Manila na may kasamang police escorts na binabayaran daw ng P1,500 hanggang P3,000 kada araw, depende sa ranggo ng opisyal? Isa ba itong kuwentong barbero, isang mahabang kuwento, o isang matagal nang katotohanan na nagpapababa sa pagkatao ng mga nasa PNP?

Bakit ang tagal naman yatang masagot ang mga katanungang ito, Gen. Carlos? An’yare ba talaga?

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …