HATAWAN
ni Ed de Leon
KINAKABAHAN na naman si Ate Vi (Congw Vilma Santos) matapos na magbuga ng usok at magkaroon ng minor eruption ang bulkang Taal noong Sabado ng umaga. Nagsagawa na naman ng evacuation sa bahagi ng Laurel sa Batangas, at sa mga lugar na nasa 7 kilometer radius mula sa bulkan.
“Nakikiusap po ako sa mga kaibigan, sana po magdasal tayong lahat na huwag namang pumutok nang tuluyan angTaal. Ako iyan ang lagi kog ipinagdadasal dahil alam ko kung gaano kahirap basta pumutok ang bulkan. Naranasan na natin iyan bago nagpandemya, talagang hirap sa evacuation lalo na dahil nagkaroon pa ng Covid. Mas lalo pang humirap. Iyong face mask na lang noon nahirapan na kami dahil ginamit na noong pumutok ang bulkan tapos kailangan din sa Covid.
“Kung tutuusin support lang ako dahil ang talagang nangasiwa riyan ay iyong LGU, pero naramdaman ko pa rin ang hirap. Congresswoman lang ako sa Lipa, pero siyam na taon akong governor ng Batangas, kaya puwede bang hindi ka umayuda sa buong lalawigan?
“Iyong mga kompanyang ine-endorse ko ang produkto sila ang nilapitan ko agad para sa relief, eh kung ganito na dalawang taon na tayonag umaayuda, tapos puputok pa ulit ang bulkan, mahihirapan na talaga,” sabi ni Ate Vi.
“Noong panahong governor ako ng Batangas, iyan ang lagi kong ipinagdarasal, dahil alam ko naman iyan ang malaking problema ng Batangas. Hindi ba kaya nasimulan namin iyong fluvial procession sa Taal Lake tuwing September 8. Sa awa ng Diyos at Mahal na Birhen hindi kami talaga nakadama kahit na paramdam lang ng pagsabog ng Taal. Hindi naman namin sinasabing dahil hindi nila itinuloy iyon kaya pinayagan ng Diyos na pumutok ang Taal, ang paniwala lang namin iyong patuloy na panalangin nakapipigil sa mga problema, o kung magkaroon man ng problema, magaan lang.
“Kaya ngayon sinasabi ko lalo na nga iyang mga Vilamanian, iyan ang mga prayer warrior ko eh. Dagdag pa ng dasal para hindi tayo magkaroon ng malaking problema,” sabi pa ni Ate Vi.