HATAWAN
ni Ed de Leon
NAALALA lang namin noong mapanood ang isang pelikula niya sa cable noong isang gabi. Noon nga palang pre-pandemic era, sikat na sikat si Sarah Geronimo hindi lang bilang singer kundi bilang isang aktres din. Kabilang ang mga pelikua nila ni John Lloyd Cruz sa malalaking hits noon. Sunod-sunod halos iyon at wala ring tigil ang kanyang recording. Noong magkaroon ng pandemic, tumamlay ang kanyang career. Siyempre walang concerts. Wala ring pelikula dahil sarado ang mga sine. Pero masasabi ngang siguro ang pinakamatinding dagok sa career ni Sarah ay noong mawala ang ABS-CBN.
Na-build up siya nang husto sa mga show ng ABS-CBN. Iyong mga magaganda niyang pelikula ay ginawa sa Star Cinema. Noong magsara ang ABS-CBN, naglaho na rin ang Star Cinema. Hindi kailangan ng Star Cinema ng franchise, pero kung ang mother company mismo ay sarado at hindi kumikita, paano nga ba tatayo iyong kanilang subsidiary?
Actually ang kontrata naman ni Sarah ay sa Viva, pero ang ginagawa namang mga pelikula ng Viva ay puro bold dahil inilalabas nga nila sa internet streaming lang. Hindi pa naman sila nakapapasok sa sinehan na kagaya noong dati. Mukha namang happy sila sa bold movies dahil maliit lang ang puhunan at kahit mallit lang din ang kita, hindi
naman sila nalulugi. Iyon namang Viva Records hindi na halos nagpo-produce at gumagawa na lang sila kung may magpapagawa sa kanila, ibig sabihin hindi na sa kanila ang puhunan.
Saan ngayon pupuwesto si Sarah, hindi naman siya puwedeng mag-bold.
Pero may nagsasabi pa rin naman na epekto iyan ng kontrobersiyal na pagpapakasal ni Sarah. Hindi kasi naging maganda ang kuwento niyon lalo na nga’t nagalit ang mga magulang niya na winalang halaga sa kanyang kasal. Mali rin ang handling ng sitwasyon dahil pinabayaan nilang mangibabaw ang controversy. Kahit na sabihin nilang naareglo naman nila ang problema, pati na iyong sa driver ni Sarah na inumbag ni Matteo Guidicelli at nakarating pa sa pulis at kay Tulfo, nabigo silang “i- romanticize” ang kuwento ng kasal kaya naging nega hindi lang para kay Sarah maging kay Matteo.
Ngayon, ewan natin kung maibabalik pa nila sa dating estado ang popularidad ng mag-asawa.