HATAWAN
ni Ed de Leon
MABIGAT ang kasong isinampa laban kay Kit Thompson, na dahil nga siguro sa kalasingan at matinding selos ay inumbag nang todo ang syota niyang si Ana Jalandoni. Sinampahan siya ng kasong violence against women, kasabay pa ng serious physical injuries. Maaari namang
maglagak ng piyansa si Kit habang dinidinig ang kaso. Hindi siya kailangang maghimas ng rehas nang matagal, pero mabigat iyan.
Kung lalabas na guilty, iyan ay may parusang prision correccional na 4 hanggang 8 taong kulong, o prision mayor na 6 hanggang 12 taon sa hoyo. Baka ni sa hinagap hindi niya naisip na aabot siya sa ganoon. Ngayon kung magkakasundo silang muli ng syota niyang si Ana, at lalabas na ang nangyari ay “carino brutal”
lamang, gagaan iyan. Maaaring pagmultahin na lang siya.
Ang masakit lang, bagama’t hindi naman diretsahan, mukhang naghugas na ng kamay ang kanyang managers sa kaso. Nag-damage control na sila na hindi nila kukunsintihin iyan, na para nang sinabi
kay Kit na “bahala ka na sa buhay mo.” Kung tutuusin bilang managers, may obligasyon pa rin silang tulungan si Kit.
Ewan kung ano ang mangyayaring kasunod, pero kung mabilis na makapaglalagak ng piyansa si Kit, mas makabubuti sa kanya, dahil kung maibiyahe siya sa city jail, o sa provincial jail, hindi natin masasabing hindi rin siya mauumbag habang nakakulong. Buti nga kung umbag lang ang abutin niya.