HATAWAN
ni Ed de Leon
PANAY pasasalamat si Ate Vi (Congw Vilma Santos) sa lahat noong gabing buksan ang Lipa Youth and Cultural Center na napakatagal na niyang pangarap, pero hindi nga nagawa agad. Unang problema nila noon ay saan nga ba itatayo iyon? Tapos siyempre saan naman kukuha ng pondo para maitayo iyon. Pero sinasabi nga ni Ate Vi, unang taon pa lang niya bilang mayor ng Lipa, na napakayaman ng kultura at sining ng lunsod, idagdag pa roon ang sa buong lalawigan ng Batangas, na tila nakakalimutan na dahil sa mga tradisyong hindi na nagagawa.
Handa naman daw makipagtulungan ang pribadong sektor na pinangungunahan nga ng negosyante, plantropo at historian din na si Danny Dolor. Kaya sabi nga niya, ang sa kanya ay pasasalamat, una sa Diyos at pangalawa sa mga mamamayan ng Lipa na ginawa iyong possible.
Sa pagbubukas ng Cultural Center nila na dinaluhan ng mga local na opisyal, mga kinatawan ng pambansang pamahalaan, at foreign dignitaries, nagkaroon ng concert sa unang pagkakataon ang Philippine Philharmonic Orchestra sa Batangas.
“Kung pag-aaralan mo ang kultura ng Batangas, lalo na nga ang Lipa ang daming tradisyon na nakalilimutan. Alam mo bang dito sa Batangas nagsimula ang tradisyon ng Santacruzan? Tradisyong dala iyan ng mga kastila, kung paano natuklasan ni Reyna Elena ang krus ni Kristo. Pero iyan ay naging bahagi ng tradisyon ng Lipa. Iyong mga folk dance natin, lalo iyong Subli, sayaw iyan na parangal sa krus, at iyan ay nagsimula rito sa Batangas. (Tatlo ang klase o bersoyon ng sayaw na Subli. Isa ang nagmula sa Sinala, Bauan, Batangas na sinasabing pinakamaganda at original. Sa ngayon, hinaluan na ang Subli ng modern style na pinaghalo ang galing sa Sinala, Alangilan, at Talumpok).
Ang dami pang mga kuwento at tradisyon na bahagi na ng kasaysayan na masasayang kung basta na lang makalilimutan, kaya nga ang isa sa mga inuna ko noon iyong committee on culture, pero paano nila magagawa ang dapat kung wala naman silang pupuntahan? Kaya nga noon pa, pinangarap namin ang cultural center na ito, na salamat nga sa Diyos ngayon ay naitayo na,” sabi ni Ate Vi.
Nilinaw din niyang hindi dahil hindi na siya public official ay wala na siyang gagawin.
“Forever nakatali ako sa mga Batangueno. Hindi ko na puwedeng talikuran dahil sa utang na loob namin sa kanila at sa tiwala
naman nila sa amin. Kaya nga tutulong pa rin ako sa abot ng aking makakaya bilang isang private citizen,” sabi pa niya.