HATAWAN
ni Ed de Leon
“GOOD vibes” na lang daw at mukhang natameme si Sharon Cuneta nang ulanin ng mga basher at negative comments dahil sa sinabi niyang “kinilabutan” siya nang kantahin ng isang politiko ang kanyang kanta, at bilang singer daw niyon, papayagan lang niyang kantahin iyon sa rally ng mga kandidatong ine-endoso niya kabilang na nga ang kanyang asawa.
Hindi alam ni Sharon na nagbigay naman pala ng permiso ang Viva na siyang music publisher ng kanta. Ang isang artist na kagaya ni Sharon ay may karapatan lamang sa royalties batay sa kita ng kanyang version ng kanta. Wala siyang karapatan sa royalties nang kantahin iyon ni Jun Polistico. Tanging ang composer at lyricist ang may karapatan sa isang kanta dahil iyon ay tinatawag ngang intellectual property nila base sa PD 49. Nagkaroon din ng karapatan ang music publisher nang ipagkatiwala sa kanila ng composer ang kanta sa loob ng panahon na umiiral ang kanilang kasunduan, o habang panahon kung nagkaroon ng outright assignment of rights.
Ang isang singer ay hindi kailanman nagkaroon ng karapatang legal sa isang kanta, dahil singer nga lang siya niyon. Nang ipagbili nila ang minus one ng kanta, binigyan na nila ng karapatan ang mga nakabili niyon na kantahin din ang nasabing kanta. Paano mo ngayon pagbabawalan ang kumakanta niyon. Ang politiko ay wala sa listahan ng aming iboboto, pero hindi siya maaalisan ng karapatang kumanta kung gusto niya. Sumisigaw siya ng “freedom” noong ipasara ang ABS-CBN, ngayon sasabihin niyang bawal kantahin ang kantang nauna niyang kinanta kundi sa mga kandidato niya? Hindi ba double standards iyan? Noted ba?