PROMDI
ni Fernan Angeles
ANG tunay na lingkod bayan, hindi lamang sa panahon ng halalan nagpapamalas ng kabutihan. Sila yaong kinakikitaan ng malasakit nang hindi naghihintay ng kapalit, kesehodang mayroon o walang halalan.
Payak at natural. Walang halong kaplastikan – sa ganitong paglalarawan nakilala ang mag-asawang Tan mula sa hindi kalayuang lalawigan kung saan sa mahabang panahon mistulang takbuhan ng mga nangangailangan. Ito ang kuwento nina Engr. Ronnel Tan at kabiyak nitong doktorang si Helen.
Kapwa nasa gobyerno ang mag-asawang Tan. Si Engineer Ronnel nasa Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang regional director habang si Doktora Helen naman kinatawan ng ikatlong distrito ng Quezon sa Kamara.
Kamakailan, nagdiwang ng kaarawan si Engr. Tan. Taliwas sa nakagawian ng mga maimpluwensiya at maykaya, simple at payak ang pagdiriwang, batay sa mga larawang ipinaskil ng mga panauhin sa kani-kanilang socmed account.
Ang totoo, hindi galing sa marangyang pamilya ang mag-asawang Tan. Kung anoman ang mayroon sila ngayon, bunga lang marahil ng pagsisikap sa kani-kanyang propesyon. Ang kagandahan lang, marunong silang magbahagi sa sektor na kanilang pinanggalingan.
Sa nalalapit na halalan sa kanilang lalawigan, maging ang nakaupong gobernador mula sa malaking angkan, naalpasan. Si Doktora Helen ang lumabas na number one sa mga survey na nilahukan ng mga mamamayang sawang-sawa na sa pangako at paasa ng nasa kapangyarihan.
Heto pa, maging sa survey na pinangasiwaan ng nakaupo sa puwesto, lumalabas na si Doktora ang llamado, kaya naman ngayon kayod-kabayo ang mga amuyong sa kanilang susunod na plano.
Samantala, hangga’t walang malinaw na plano, tuloy muna ang pagpapakalat ng fake news ng isang manikang konsehal na bulilyaso – sukdulang mag-imbento ng kaso laban sa inhinyerong asawa ng doktorang number one sa Quezon.
Ang sabwatan sa pagitan ng panginoon sa kapitolyo at konsehal na nahoyo, nabisto sa pag-amin ng tao nila mismo. Ayon sa kumawalang kaalyado ng nasa kapitolyo, nag-uumpisa nang bumuhos ang milyon-milyong piso sa isang kompanya ng mga abogado. Ang trabaho – kabi-kabilang kasong magdidiin sa inhinyero.
Ang siste, hindi naman tanga ang mga taga-Quezon. Ang mga residente ng nasabing lalawigan, tahimik subalit mapanuri. Alam nila ang kaibahan sa pagitan ng isang tunay na tao at sandangkal na gago.
Ang politika nga naman, sadyang marumi. Ang nasa poder ng kapitolyo, ayaw nang bumaba sa puwesto kahit malinaw namang ayaw na sa kanya ng mga tao.