HATAWAN
ni Ed de Leon
MATAPOS ang ginawang pamimigay ng ayuda sa entertainment press, mga kasamahang artista at manggagawa sa pelikula at telebisyon, at maging mga medical frontliner, ngayon ay hindi lamang bigas at de lata ang planong ipamigay ni Gretchen Barretto. Bukas daw ay ipade-deliver na niya sa isang ospital sa Mandaluyong ang kanyang donasyong bagong ambulansiya, bukod sa 1,000 sako ng bigas para sa 1,000 personnel ng nasabing ospital.
At may nagsasabing may mga kasunod pa ang ipamimigay niyang mga ambulansiya. Aba hindi lang siya parang DSWD ngayon, para na rin siyang PCSO, at ang ginagastos diyan ay mula sa kanyang sariling bulsa. Aba malaking sampal iyan lalo na sa mga opisyal ng gobyerno na sa halip na tumulong sa mamamayan ay inilalagay ang pondo sa bulsa nila.
Hoy mga corrupt official, mahiya naman kayo kay Gretchen.