HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI kami kani-kanino ha, at hindi kami nag-eendoso ng sinomang kandidato, pero sa tingin namin maling-mali iyong sinasabi nilang ‘traydor si Toni Gonzaga sa ABS-CBN’ nang mag-host siya ng proclamation of candidacy ng mga kandidatong may kinalaman sa pagpapasara ng ABS-CBN. Lalong hunghang ang nagsasabi na binayaran kasi siya ng “milyon para mag-host.’ Buti hindi sinabing binigyan ng isang cartillang gold bullion kaya niya ginawa iyon. Si Toni ay asawa ng director na si Paul Soriano, at si Paul mismo ang umamin sa kanyang social media account na kaya nila ginawa iyon ay dahil tiyahin niya si Liza Araneta Marcos, na asawa ni BBM.
Sabi pa ni Paul, “blood is thicker than water.” Masisisi mo nga ba sila sa sitwasyong iyon? In the first place,nilait ba ni Toni ang mga kapwa niya artista na iba ang choice kaysa kanya? Iba rin ang first choice namin, hindi ang kandidatong ineendoso ni Toni, pero baka sa mga pagkakataong ito, gawin na rin namin iyon para matigil na iyang mga taong mahigit na 30 taon nang walang ginawa kundi manira ng kanilang kapwa. Wala rin ba silang putik sa kanilang mukha?
Ganyan ang ugali ninyo, pero ayaw na ayaw ninyong matatawag na bias kayo. Eh ano ba iyan? Galit kayo sa mga taong iba ang choices kaysa inyo, akala ko ba ayaw ninyo ng diktador?
Hindi namin kaibigan iyang si Toni. Maski masalubong namin iyan hindi kami niyan kakilala. Mabibilng siguro sa daliri ng isang kamay kung kailan lang namin naisulat iyang pangalan ni Toni Gonzaga, pero sa pagkakataong ito, nakuha niya ang aming simpatiya dahil sa panlalait sa kanya nang wala sa ayos.
Eh ano kung nagtrabaho siya sa ABS-CBN? Hindi ba binabayaran naman siya dahil sa kanyang serbisyo. Hindi naman siya sinusustentuhan lang ng ABS-CBN. Kung nagkataong may iba siyang gusto na hindi gusto ng mga taga-ABS-CBN, sino ang nagbigay sa kanila ng karapatang laitin siya?
Ang liit-liit ng industriya ng entertainment sa ating bansa, dapat magkaisa tayo. Dapat sino man ang maupo sa gobyerno, may kaibigang taga-showbiz na magbibigay proteksiyon sa lahat. Eh ano gusto ninyo, lahat kalabanin maliban sa gusto ninyo? Eh kung hindi manalo ang gusto ninyo, ipasasara na naman kayo.