HATAWAN
ni Ed de Leon
IBA ang naririnig namin, patuloy daw ang recruitment, hindi lamang ng mga sikat na artista kundi maging mga “big men” sa broadcast industry ng bagong television network. Ang iba nga raw ay officially na-recruit na.
Wala pang comment ang mga big star na sinasabing na-recruit na. Siyempre wala namang magsasalita sa mga iyan hanggang hindi final ang iniaalok sa kanilang project. Malalaking pangalan ang lumulutang, at may nagsasabi ngang maging si Aga Muhlach ay mayroon nang offer. Sa kaso naman ni Aga, posible talaga dahil wala naman siyang tali sa ngayon sa kahit na anong network. Ang tsismis, inaalok daw si Aga ng isang sitcom.
Iyon daw format na musical variety na siyang karaniwang flag carrier ng mga estasyon noong araw, at hindi na ginagawa sa ngayon ng mga network dahil magastos ay maaaring ibalik ng bagong network, at ang sinasabi may feelers na raw sila sa isang personaliy na makagagawa niyon sa ngayon. Pero sigurista sila, na-reject daw agad sa isang meeting iyong pangalan ng isang female star na mukha talagang laos na sa ngayon.
May tsismis pa nga na baka kunin din ng bagong network si Toni Gonzaga, na umalis na rin sa dati niyang network dahil nilait-lait siya roon dahil sa kanyang political affiliations. Kung kukunin nga naman nila si Toni na hindi naman maikakailang isang magaling na television host, tiyak na sasama na rin doon ang asawa niyang si direk Paul Soriano. Malamang kasama rin ang kapatid niyang si Alex.
Bagama’t naka-schedule ang test broadcast ng bagong network next week, malamang na iyon ay test lamang ng kanilang gagamiting equipment, kaya kung bubuksan ninyo ang Channel 2, ang makikita lamang ninyo ay isang color key o ang logo ng bagong estasyon.
May sources kaming nagsasabing maaaring ilabas daw ang mga unang programs by March at magiging full blast broadcast na sila by April.
Actually inaabangan din sila ng buong industriya. Mataas ang expectations at sinasabing maaaring sila ang mag-set ng trend sa digital broadcast. By next year, kung makakapag-migrate na nga ang telebisyon sa digital broadcast, ang bagong network ang siyang inaasahang sisikat at makakalaban ng kasalukuyang industry leader na GMA7. Iyon namang ABS-CBN ay magtatangkang muling humingi ng franchise sa Kongreso, pero siyempre depende iyan kung ang mga mananalo ay kakampi nila, o iyong mga kinakalaban nila at nilalait ngayon.